Home TOP STORIES Antala sa bakuna, konektado sa unliquidated funds ng DOH sa UNICEF?

Antala sa bakuna, konektado sa unliquidated funds ng DOH sa UNICEF?

233
0

MANILA, Philippines — Nababahala ang ilang sektor sa ulat ng Commission on Audit (COA) na may kabuuang P1.296 bilyon pang unliquidated cash advances ang Department of Health (DOH) sa United Nations Children’s Fund (UNICEF), na sinasabing nakaaapekto sa pagkuha ng karagdagang bakuna para sa mga batang Pilipino.

Ayon sa COA report, ang kawalan ng liquidation para sa mga naunang pondo ay isa sa mga dahilan kung bakit hindi maipagkaloob ng UNICEF ang bagong batch ng mga bakuna na hiniling ng Pilipinas. Kabilang sa mga hindi naaprubahang request ng DOH ang para sa Pentavalent, BCG, at Hepatitis B vaccines na may halagang P525 milyon.

Batay sa COA Circular No. 2012-001 at DOH Memorandum No. 2023-0369, hindi pinapahintulutang maglaan ng bagong pondo kung may umiiral pang hindi nali-liquidate na pondo mula sa mga nakaraang transaksyon.

Dahil dito, kinukwestyon ngayon ang naging proseso ng DOH sa ilalim ng pamumuno ni Health Secretary Teodoro Herbosa bilang Head of Procuring Entity (HoPE) ng kagawaran. Ayon sa COA Audit Observation Memorandum na may petsang Agosto 7, 2025, nabanggit ang umano’y pagkaantala sa pag-aksyon ng DOH sa ilang mahahalagang usapin, kung saan sa ilang kaso ay umaabot ng dalawa hanggang walong buwan bago matugunan, sa halip na pitong araw na itinakdang palugit.

Samantala, nananatili ang marching order ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang SONA na tiyakin ang mabilis at komprehensibong pagbabakuna sa mga bata sa buong bansa. Nagpahayag ng pag-aalala ang ilang stakeholders na ang nasabing sitwasyon sa DOH ay posibleng makaapekto sa rollout ng nationwide immunization campaign ng administrasyon.

Kaugnay nito, nananatiling nakaabang ang publiko sa magiging tugon ng DOH upang maresolba ang mga isyung binanggit sa COA report at matiyak ang tuloy-tuloy na pagbabakuna sa mga kabataang Pilipino. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here