Home NATIONWIDE P142.7B budget insertions, binatikos ng Malakanyang; imbestigasyon hiniling

P142.7B budget insertions, binatikos ng Malakanyang; imbestigasyon hiniling

212
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ng masusing imbestigasyon at transparency kaugnay ng di umano’y budget insertions sa 2026 pambansang badyet na tinatayang aabot sa P142.7 bilyon, na aniya’y banta sa maayos na pamamahala, mabilis na pagpapatupad ng proyekto, at tiwala ng publiko.

“Pinapabagal ng mga insertions na ito ang mga proyekto dahil wala sila sa National Expenditure Program ng Ehekutibo,” ani Castro. “Kailangan pa itong dagdagan ng dokumento at paliwanag, kaya naaantala ang delivery at nalalabo ang pananagutan.”

Kabilang sa mga tinukoy niyang probinsyang nakatanggap ng malaking alokasyon ay ang Bulacan—bailiwick ni Senate Majority Leader Joel Villanueva—na may P12.08 bilyon, at Sorsogon—probinsya ni Senate President Francis Escudero—na may P9.1 bilyon para sa flood control projects.

“May kapangyarihan ang Kongreso sa badyet, pero hindi ibig sabihin nito na maaari silang umasta na parang Ehekutibo,” ani Castro. “Trabaho nilang gumawa ng batas, hindi ipatupad ito.”

Tinuligsa rin ni Castro ang pahayag ni Escudero na kinuwestiyon ang banta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-veto ang pork-laden proposals. “Hindi ito pag-atake sa Kongreso. Ito ay panawagan para sa tapat at malinaw na badyet.”

Mas nakakabahala, ayon kay Castro, ang diumano’y P3 bilyong isiniksik ni Escudero sa pangalan ni Senador Bong Go, kabilang ang P633 milyon para sa barangay health stations at super health centers. “Naipatayo ba talaga ang mga ito?” tanong ni Castro, sabay hiling kay Go na linawin kung inaprubahan niya ang proyekto.

Bagamat iginiit ni Escudero na pasado sa audit ang lahat ng insertions at wala siyang kaso ng katiwalian sa loob ng 27 taon sa serbisyo, hindi ito sapat para kay Castro. “Walang kaso ay hindi awtomatikong ebidensiya ng kawalang-sala,” aniya.

“Panahon na para igalang ng Kongreso ang kanilang tungkulin,” pagtatapos ni Castro. “Kailangan natin ng kasagutan—hindi dahilan.” /Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here