Home OPINION ANTE KLER, UMAYOS KA SA MAMAMAYAN, OFWs

ANTE KLER, UMAYOS KA SA MAMAMAYAN, OFWs

1
0

DAPAT sigurong mag-ingat si Palace Press Officer Claire Castro o Ante Kler sa iba sa pakikitungo sa mga mamamayan, lalo na ang mga kumikilos at nagpapahayag ng kanilang mga hinaing laban sa pamamahala mismo ni Pangulong Bongbong Marcos na kanyang amo.

Matapos niyang tawagin na mangmang, partikular ang mga sumang-ayon sa pahayag ni Senator Imee Marcos na high on drugs at lasing sa kapangyarihan ang pamahalaang Marcos sa nakaraang Iglesia ni Cristo rally sa EDSA, minaliit at kinutya niya rin ang overseas Filipino workers sa Canada na malayang naghahayag ng kanilang hinaing laban sa tingin nila ay maling pamamahala ni Marcos.

Isinisigaw ng OFWs ang pagiging kawatan ni Marcos at mga opisyal nito at nais nilang ibalik ang mga ninakaw na salaping bayan.

Unang-una kung bakit mag-ingat si Castro ay sa katotohanang sa mga mamamayan nanggagaling ang kanyang daan-daang libong sahod at pribilehiyo bilang undersecretary at mismong ang kanyang ginastos sa pagpunta sa Canada.

Sa bahagi ng OFWs na nahihirapang mamuhay nang normal at walang kinabukasan sa Pinas dahil sa matinding nakawan sa gobyerno, nasa P2.2 trilyon ang kanilang kontribusyon sa ekonomiya at katlo ito ng mahigit P6 trilyong pambansang badyet ngayong taon at pinagkukunan ng sahod at pribilehiyo ni Castro.

Binubuo naman ang mga mangmang ng kalakhan ng nasa 70 milyong obrero, mangingisda at magsasaka na siyang tunay na haligi o gulugod ng bansa at pinagmumulan din ng pinakamalaking yaman ng gobyerno na mula sa pinagsama-samang direktang buwis, value added tax at iba pang mga bayarin sa pamahalaan gaya ng permit, clearance, lisensya at iba pa.

Malinaw na may batayan ang mga OFW at mangmang sa paglalabas ng hinaing laban sa mga korap at pamahalaang Marcos kaya hindi sila dapat balewalain at kutyain ni Castro.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here