Home NATIONWIDE Anti-terror law ‘di masasagasaan ng amnesty program ng PH gov’t – DOJ

Anti-terror law ‘di masasagasaan ng amnesty program ng PH gov’t – DOJ

MANILA, Philippines- Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na hindi maaapektuhan ang Anti-Terrorism Act (ATA) of 2020 ng programa ng pamahalaan na pagkakaloob ng amnesty sa mga nagbabalik-loob na komunista at rebeldeng grupo.

Sinabi ni Justice Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano na “mutually exclusive” ang dalawa at hindi dapat makaapekto sa estado ng aplikasyon ng amnesty ng isang grupo o indibidwal ang pagpapatupad ng batas.

Ang ATA ay magiging fully operational sa January 15 kasunod ng inilabas na rules and guidelines ng Korte Suprema hinggil sa pagpapatupad ng naturang batas.

Nilinaw ni Clavano na maari pa ring makasuhan ng paglabag sa Anti Terror Law ang sinumang grupo na magpapanggap na handang umupo para sa usapang pangkapayapaan ngunit patuloy na makikipaglaban sa mga sundalo.

Dagdag pa ni Clavano, hindi rin masasakop ng amnesty ang mga grupo o indibidwal na nakasuhan na ng terorismo pero maaari pa ring mag-avail ng plea bargaining para mapababa ang kanilang sentensya.

Matatandaang noong nakaraang taon ay naglabas ng Executive Order si Pang. Ferdinand Marcos Jr. para magawaran ng amnesty ang ilang rebeldeng grupo, kabilang ang CPP-NPA-NDF, para sa ilang piling kaso.

Samantala, sinabi ni Office of the Solicitor General Associate Solicitor James Clifford Santos, maituturing na magkaibang bagay ang amnesty program at ang anti-terror law. Sa amnestiya aniya ay pinapawalang-bisa ang nagawang krimen o political offense.

Hinikayat naman ni NTF-ELCAC spokesperson Joel Sy Egco ang mga nalalabing rebelde na sumuko na o harapin ang kasong maaring isampa laban sa kanila. Teresa Tavares

Previous articleAFP, DND iginiit na walang kinalaman sa fuel importation mula US  
Next article985 tiwaling parak sinibak sa ilalim ng Marcos admin