MANILA, Philippines – Mas epektibo ang anti-drug campaign ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kumpara kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Martes, Marso 24.
“It is a campaign against illegal drugs. The president’s directive is that. We should follow the law. We should not game the system. Dati, akala nila (Duterte administration), basta pumatay ka ng limang tao, 10 tao, 20 tao, 20,000 tao, titigil ang droga sa Pilipinas,” sinabi ni Remulla.
“But, did it stop? It didn’t. But, now… the drug supply has been reduced in the Philippines. It is a more effective way of solving the drug menace rather than killing people.”
Nang tanungin kung ang tinutukoy ba niya ay ang administrasyong Duterte, sumagot ng oo si Remulla.
Sa datos, nasa 6,000 katao ang nasawi sa drug war ni Duterte ngunit ayon sa human rights group ay posibleng umabot pa ng 12,000 hanggang 30,000 katao ang nasawi.
Sa kabila ng paggiit ni Remulla na ang anti-drug campaign ng Marcos administration ay “bloodless,” nakita sa pag-aaral ng University of the Philippines Third World Studies Center na mayroong 1,194 katao ang napaulat na nasawi na may kinalaman sa illegal na droga sa pagitan ng Hulyo 1, 2022 at Marso 15, 2026.
Samantala, sinabi ni Remulla na naharang ng mga awtoridad ang nasa 12.5 tonelada ng illegal na droga mula 2016 hanggang 2022 sa ilalim ng administrasyong Duterte, habang sa administrasyong Marcos ay umabot na sa 30 tonelada ng illegal na droga ang naharang.







