Home METRO Aplikasyon ng PWD ID sa QC target higpitan vs pamemeke

Aplikasyon ng PWD ID sa QC target higpitan vs pamemeke

122
0

MANILA, Philippines — Hihigpitan ni Mayor Joy Belmonte ang aplikasyon, pagpapalabas, at paggamit ng Quezon City Persons with Disability (PWD) identification cards (IDs) upang labanan ang dumaraming ulat ng palsipikasyon o pamemeke nito sa kanyang nasasakupan.

Inilabas ni Belmonte ang pahayag matapos ang pagkakaaresto sa dalawang indibidwal na napaulat na namemeke ng mga PWD ID para sa mga residente ng Quezon City at kasunod ng pagkumpiska sa mga pekeng card na ito mula sa ilang kliyente ng Persons with Disability Affairs Office ng lungsod.

“Kinukundena namin ang mga indibidwal na ito na gumagamit ng palsipikasyon ng aming mga QC ID para lamang makinabang sa mga diskwento at iba pang mga pribilehiyo,” sabi ng alkalde.

“Inaatasan ko ang ating Persons with Disability Affairs Office na magpataw ng mas mahigpit na hakbang sa aplikasyon, pag-iisyu, at paggamit ng QC PWD ID upang hadlangan ang palsipikasyon ng mga talaan,” dagdag niya.

Noong Lunes, nahuli ng pulisya ang dalawang indibidwal sa kahabaan ng Santo Nino de Bagong Silang, Phase 1, Barangay 176 Bagong Silang sa Caloocan City dahil sa pag-alok ng mga pekeng PWD ID sa isang complainant mula sa Quezon City.

Alinsunod dito, sinabi ni QCPD chief Brig. Gen. Redrico Maranan sa publiko na may kahaharaping mga parusa sa mga gagawa ng paglabag sa Article 172 o ang Falsification by Private Individuals at Use of Falsified Documents kaugnay ng Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here