Home NATIONWIDE ARAL program inilunsad ng DepEd vs learning crisis

ARAL program inilunsad ng DepEd vs learning crisis

491
0

MANILA, Philippines – Inilunsad ng Department of Education (DepEd) nitong Sabado, Setyembre 13 ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, na naglalayong tugunan ang learning crisis ng bansa at palakasin ang foundational skills ng mga mag-aaral na Filipino.

Ang ARAL Program ay sabayang inilunsad sa iba’t ibang bahagi ng bansa kasama ang mga miyembro ng Executive Committee (ExeCom) ng DepEd.

“Layunin natin sa ARAL na hindi lamang tiyakin na makakahabol ang ating mga mag-aaral na nahuhuli sa klase — we are also committed to building stronger foundational skills, because Key Stage 1 is the most critical stage in every child’s development,” saad sa kalatas ni Education Secretary Sonny Angara.

“Kaya’t lubos ang pasasalamat natin sa ating mahal na Pangulo na tiniyak na maisasabatas ang programang ito,” ani Angara.

Ayon sa DepEd, ang ARAL Program ay magbibigay ng tutorial support sa mga estudyante mula Kindergarten hanggang Grade 10 partikular sa pagbabas, matematika, at science upang matulungan ang mga ito na maabot ang kinakailangang kakayahan sa kanilang grade level.

Para sa School Year 2025–2026, prayoridad ng programa ang Reading (ARAL-Reading) para sa agarang tulong sa mga mag-aaral na nangangailangan nito, partikular ang mga low at high emerging readers, maging sa mga natukoy bilang frustrated readers.

Magsisimula ang ARAL-Reading sa ikalawang quarter ng SY 2025-2026. Sa mga susunod na phase, ang programa ay palalawakin para isama ang ARAL-Mathematics (Grades 1–10), ARAL-Science (Grades 3–10), at ARAL-Summer Programs.

Kasama sa mga magiging ARAL tutors ang mga guro, para-teachers, pre-service teachers, at iba pang mga sinanay na indibidwal. Makatatanggap ang mga ito ng kaukulang training at kompensasyon.

Isasama rin ang mga magulang sa orientation upang mapalakas ang kanilang tungkulin para sumuporta sa pag-aaral ng mga estudyante sa kani-kanilang mga tirahan at magturo ng mga aralin sa programa.

Hanggang noong Setyembre 8, tinukoy ng ahensya ang 6,713,352 learner beneficiaries, na suportado ng 447,537 tutors at 45,084 school heads. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here