
MANILA, Philippines – Balik na sa mga kalsada ng Metro Manila ang pamosong Love Bus.
Ito ay ipinakilala sa mismong kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Sabado, Setyembre 13 sa Valenzuela City.
Dumating sa Valenzuela Gateway Complex Terminal sina Marcos, at si First Lady Liza Araneta-Marcos at anak na si Vincent Marcos, maging sina Department of Transportation (DOTr) Acting Sec. Giovanni Lopez, Valenzuela Mayor Wes Gatchalian, at Senador Win Gatchalian, at iba pa, sakay ng Love Bus.
Sinalubong sila ng mga opisyal ng pamahalaan kabilang sina dating Department of Transportation (DOTr) Sec. at ngayon ay Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian.
“Enjoy our new Love Bus to reduce fares and save a little, reduce traffic, reduce pollution because it is electric,” sinabi ni Marcos sa kanyang speech sa paglulunsad ng Love Bus.
“And this is really a big help for our situation here in Metro Manila where sometimes we have to wait a long time for the bus to arrive. The traffic is very heavy, the speed is very slow. We are bombarded with exhaust from the buses. All of that will be reduced. That’s why we are happy,” dagdag pa niya.
Ayon sa DOTR, ang Love Bus ay isang 20-seater iconic bus na maaaring sakyan ng lahat.
Mayroon itong modern features katulad ng CCTVs, television screens, at full air conditioning, at mayroong senior citizen and PWD-friendly features, katulad ng access ramp para sa mga wheelchairs.
Ang inilunsad na electric Love Bus para sa Metro Manila ay libre sa lahat ng pasahero sa buong buwan ng Setyembre mula alas-5 ng umaga hanggang alas-10 ng gai.
Pagdating naman ng Oktubre at sa mga susunod pang buwan, ang lahat ng commuter ay maaaring makapag-avail ng libreng sakay sa Love Bus tuwing rush hour o mula alas-6 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga, at mula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.
Samantala, libre naman ang sakay ng mga PWD at senior citizen sa buong araw. Kailangan lamang ng mg ito na magparehistro sa Love Bus mobile app.






