MANILA, Philippines – Naglabas ng abiso ang Archdiocese of Cebu na huwag munang gamitin ng mga parokya sa hilagang Cebu ang mga simbahan na napinsala ng magnitude 6.9 na lindol hangga’t hindi pa nade-deklarang ligtas.
Isa sa pinakamalubhang naapektuhan ay ang Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima sa Daanbantayan, kung saan bumagsak ang bahagi ng facade. Inilarawan ito ng simbahan bilang isang “very well preserved heritage landmark.”
Inatasan ni Cebu Archbishop Alberto S. Uy ang structural assessment ng lahat ng simbahan at rectory, at nagpaalala na huwag munang magsagawa ng misa sa mga apektadong simbahan hangga’t hindi pa aprubado ng mga eksperto.
“We continue to pray to our Loving Father for calmness and strength in the midst of these trials… May the Lord shelter us under His wings, protect us from every harm, and guide us to safety and peace,” ayon sa abiso.
Naitala ang lindol malapit sa Bogo City noong Martes ng gabi. RNT