CEBU, Philippines – Umakyat na sa 60 ang iniulat na nasawi sa magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Bogo City, Cebu noong Martes ng gabi, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Miyerkules.
“We are receiving reports as high as 60 individuals are reported to have perished dito sa lindol na ito. Kaya very fluid pa po,” pahayag ni OCD OIC Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV.
Naitala ang lindol alas-9:59 ng gabi na may lalim na limang kilometro. Una itong iniulat na magnitude 6.7 bago itaas sa 6.9.
Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga ahensya na magbigay ng agarang tulong at nagpaabot ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima. Idineklara na ang Cebu sa ilalim ng state of calamity.
Naglabas din ng abiso ang Archdiocese of Cebu na huwag munang gamitin ang mga nasirang simbahan sa hilagang bahagi, kabilang ang Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima sa Daanbantayan.
Mahigit 300 aftershocks na ang naitala ng PHIVOLCS. Naka-yellow alert naman ang Visayas power grid matapos magprisintang mag-shutdown ang ilang planta. Sinuspinde rin ang klase at trabaho sa maraming lugar. RNT