MANILA, Philippines – Hinamon ni dating Surigao Rep. Ace Barbers ang abogado ng lumutang na mga dating sundalo na umano’y mga naging tauhan ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na lagdaan at ipa-notaryo ang kanilang mga pahayag bago ito iharap sa publiko.
Giit ni Barbers na kapag walang mga lagda ang salaysay ng mga ito ay nananatili itong script para sa isang drama – “Para makapanira ng tao.
“To Attorney Levi Baligod: If what your companions are saying is true and if you stand on their statements, then have them sign their affidavit and have it notarized para hindi mag-mukhang script ng isang drama skit sa barangay. Pirmahan niyo,” hamon ni Barbers, dating chairman ng Quad Comm noong 19th Congress.
Giit pa ng dating mambabatas na bilang abogado ay dapat mas maging masigasig pa si Atty. Baligod sa pagtulong sa mga lumutang na dating mga sundalo sa pagpapa-notaryo sa mga pahayag ng mga ito.
“You should have known from the start that an unsigned affidavit is just a scrap of paper. As their lawyer, you should have been diligent and thorough enough sa tulong mo sa kanila by having it signed and notarized para naman paniwalaan ka nila na crusader ka at hindi lang ‘ambulance chaser.”
Nauna rito ay lumutang ang may 18 Marines na kalaunan ay nilinaw na 16 lamang ang Marines sapagkat miembro umano ng Philippine Army ang dalawa dito sa isang press conference na pinangunahan ni Atty. Baligod kung inihayag ng mga ito na nakapag-deliver sila ng male-maletang pera sa mga opisyal ng gobyerno.
Subalit ito ay pinabulaanan lamang ng mga taong nabanggit sa alegasyon sa pagsasabing ito ay “politically motivated.”
Sa Kamara ay tahasang itinanggi ng liderato nito at ng mga dating miembro ng Makabayan bloc ang alegasyon na nakatanggap sila ng male-maletang per sa pagsasabing ito ay panibagong diversionary tactics kasabay ng pagkwestyon sa mga hindi pirmadong pahayag habang ang bansa ay nakatuon sa pagdinig ng ICC sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Hamon pa ni Barbers na dalhin ng mga dating sundalo ang kanilang alegasyon sa korte o sa tamang proseso dahil may karampatang kaparusahan aniya ang paninira sa reputasyon ng mamamayan man o institusyon.
“Are you all afraid of the legal consequences from the people you accused, that’s why you opted not to sign? Panis ‘yung script ninyo. Zarzuela lang ito para makapanira ng mga tao,” ayon pa kay Barbers.
Kinuwestyon ng dating kongresista ang motibo ng mga ito dahil mukha aniyang bayad ang mga ito kaysa sa pagpapa-iral ng prinsipyo.
“What kind of soldiers are you? Are you even soldiers? It seems you are just mercenaries out to make a buck,” binigyang diin pa ni Barbers. (Meliza Maluntag)