Home OPINION AYUDA NG DSWD INANGKIN NG KAMPO NI QUIMBO?

AYUDA NG DSWD INANGKIN NG KAMPO NI QUIMBO?

TINAWAG ng mga residente ng Marikina na “Bukbok na Pamamahala” ang Team “Bagong Marikina” sa ilalim ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo dahil ang ipinamahagi umano nitong bigas na nakalagay sa kahon na may pangalan ng mambabatas ay mayroong mga bukbok.

Ayon sa nagpost na residente, nakatanggap ang kanyang ina ng stub para para sa ayudang ipinamimigay ng Team Bagong Marikina noong January 4.
Nang kanilang kunin ang kapalit ng stub, sa halip na matuwa sa natanggap na ayuda mula sa kampo ni Quimbo, galit ang naramdaman ng mga nakatanggap na residente sapagkat ang laman ng kahon na bigas ay puno ng bukbok.

Sa komento ng mga nakatanggap ng ayuda, mula raw sa Department of Social Welfare and Development ang ipinamahagi na pinalitaw na Pamaskong Handog. Gayunman, duda ng mga residente ay pinalitaw lang umano ng kampo ng mambabatas mula sa 2nd District ng Marikina na galing ito sa kanila.

Anang nagpost sa social media, kaagad niyang sinabihan ang kanyang ina na ilabas ang mga kahon agad-agad sapagkat nakakikilabot ang dami ng mga insekto sa loob ng kahon na gumagapang sa bigas.

Ang iba namang nakisawsaw sa post ay pinagtawanan ang Team Bagong Marikina sapagkat ipinagbanduhan daw ng mga ito ang pangalan nila gayung palpak naman ang ipinamigay nila.

Dapat daw, kung nais ng mga ito na magpasikat at mas lalong makilala sa Marikina, hindi bulok ang kanilang ipinamimigay na ayuda.

Duda ng ilang netizens, dapat ay para sana sa mga binagyo noong Oktubre ang ayudang ipinamahagi nito kaya lang ay minabuting itago upang maipamahagi sa ibang pagkakataon at nangyari nga nitong makalipas ang Bagong Taon.

Komento naman ng isang residente, sa halip na mailaman sa tiyan ang bigas na ipinamahagi baka magkasakit pa ang kakain.

Kaya nakatanggap ng mga kantiyaw ang grupo ni Quimbo ng “bukbok na pamahala”.

Ano raw ang pumasok sa isip ng Team Bagong Marikina at inagaw ang kredito sa DSWD? Kaya sa halip na ang ahensya ni Secretary Rex Gatchalian ang nakatanggap ng batikos, grupo ni Quimbo ang pinutakte ng masasamang komento.

Dagdag na kantiyaw naman ng isa pang sawsawero sa komento, “Bagoong Marikina” ang dapat itawag sa grupo at hindi Bagong Marikina.
O, hayan ang napapala ng mga umeepal at maagang sumisimple sa pangangampanya.