Home OPINION BALIK YORME ISKO SA MAYNILA UMINGAY DAHIL SA BASURA

BALIK YORME ISKO SA MAYNILA UMINGAY DAHIL SA BASURA

DAHIL sa mga bunton ng namamahong basura na bumungad sa unang araw ng 2025 sa iba’t ibang panig ng Maynila, umusok ang mga maaanghang na komento sa social media laban sa pamunuan ni Mayor Dr. Honey Lacuna-Pangan.

Ibinato ng kasalukuyang alkalde ang sisi dating kontraktor ng basura na Leonel Waste Management subalit tila hindi ito bumenta sa netizens na karamihan ay mga Manileño.

Matatandaan na inanunsyo ni Lacuna na ang MetroWaste Solid Waste Management Corp. na ang hahakot sa mga basura sa Districts 1,2, at 3 habang ang Philippine Ecology Systems Corp. naman sa Districts 4,5, at 6 matapos manalo ng P842.7-milyong kontrata para magkaloob ng mga serbisyo sa pangongolekta ng basura para sa lungsod ngayong 2025.

Matapos magpahayag si Lacuna na sinabotahe umano ng dating kontraktor ang malawakang kadugyutan sa buong Maynila ay naglabas naman ng pahayag ang Leonel at ibinigay ang kanilang panig na kung ngayon gaganapin ang halalan, malamang na malaglag ang alkalde laban sa kanyang mga mahigpit na mga katunggali.

Hindi naman malayong mangyari dahil ‘consistent’ ang mataas na bilang sa mga survey ni dating Mayor “Isko Moreno” Domagoso laban sa kanyang mga mahihigpit na katunggali tulad nila Sam Verzosa at Lacuna. Sa kalalabas pa lamang na survey ng Octa research nitong Enero, nakakuha ng 74% si Yorme samantalang pumangalawa na si Sam Verzosa na nakakuha ng 15%, habang si Lacuna ay 9% , at 2% naman ang iba pang kandidato.

Ang fearless forecast ng mga political expert, landslide ang resulta ng eleksyon sa Maynila. Tinatayang papalo ng nasa 70% to 80% o nasa 600,000 to 800,000 na boto ang makukuha ni Domagoso sa Mayo 2025. Sa mga naglabasang resulta ng credible survey firms nitong mga nagdaang buwan, tulad ng Laylo report, Social Weather Station atbp., patuloy na ‘runaway winner’ si Moreno at mas lalo pa itong tumataas habang papalapit ang halalan.

Ilang buwan na lang ay gaganapin na ang eleksyon, dapat triplehin na ni Mayora Lacuna ang pagtatrabaho at panliligaw sa mga Manileño para makadikit man lang siya sa survey kay Moreno dahil kung hindi, baka sa mga susunod na linggo lamang ay may mga “sasakabilang bakod” na o kaya’y lumipat na sa bangka ni Yorme Isko.