
SA bawat krisis, sa bawat sakuna, at sa bawat eleksyon, isang salita ang palaging naririnig ng taumbayan—ayuda.
Tila ito na ang sagot sa lahat ng problema ng bansa. Walang trabaho? Ayuda. Mataas ang presyo ng bilihin? Ayuda. Nasalanta ng bagyo? Ayuda.
Hindi maikakailang may magandang intensyon ang financial assistance programs ng gobyerno. Sa mga panahong walang-wala ang tao, ang ayudang ito ang nagiging daan upang hindi tuluyang lumubog sa gutom at paghihikahos. Pero sa loob ng maraming taon, tila wala tayong naririnig na ibang solusyon maliban sa pamimigay ng pera.
Kapag may sakuna, dapat lang na magbigay ng tulong ang gobyerno. Pero bakit tila tuwing malapit na ang eleksyon, nagiging masigasig ang mga politiko sa pamimigay ng ayuda? Hindi ba’t tila nagiging “utang na loob” ang isang bagay na dapat ay karapatan ng mamamayan?
Sino ang hindi tatanggap ng libreng pera? Pero dito nagkakatalo — ang ayuda ay nagiging isang ‘pampatulog’ sa tunay na problema ng bansa.
Sa halip na solusyunan ang ugat ng kahirapan, nagiging sagot ang patuloy na pamimigay ng limos. Habang may ayuda, may rason ang mga nasa poder na hindi magpundar ng pangmatagalang solusyon.
Walang kailangang trabahong likhain. Walang kailangang pagbutihin sa edukasyon. Walang kailangang reporma sa ekonomiya.
Isang malaking problema ng ayuda ang katiwalian. Ayon sa ilang audit reports, bilyun-bilyong pisong pondo ang hindi maipaliwanag kung saan napunta. Mga pekeng benepisyaryo, overpriced na relief goods at mabagal na distribusyon — lahat ito ay pamilyar na kwento sa bawat ayuda program.
Sa dulo, sino ang talo? Ang mahihirap na umaasa rito. Ang mga nangangailangan na nagtataka kung bakit laging may “leakage” ang tulong na dapat sana’y natatanggap nila nang buo.
Kung tutuusin, may mga bansang dati ring may matinding problema sa kahirapan ngunit hindi umasa sa ayuda magpakailanman. Ang kanilang sekreto? Edukasyon, trabaho at oportunidad.
Kung kaya nating maglaan ng bilyun-bilyong piso sa ayuda, bakit hindi natin kayang maglaan ng mas malaking pondo sa pagsasanay ng manggagawa? Sa pagpapalakas ng industriya? Sa pagpapatibay ng maliliit na negosyo?
Ang matagalang solusyon ay nangangailangan ng sipag, tiyaga at totoong intensyon na iahon ang bayan mula sa kahirapan.
Walang masama sa ayuda— kung ito’y tamang ginagamit. Kung ito’y nagiging sagot sa lahat ng problema ng bansa, may mas malalim tayong dapat pag-isipan.
Tayo ba ay tinutulungan o tayo ba ay pinapatulog lang?