
PAANO kaya kontrolin ang sangkatutak na disgrasya sa motorsiklo na ikinadadamay rin ng iba pang mga sasakyan at iba pa na nagbubunga ng maraming kamatayan at kasiraan na rin sa ari-arian?
Kaugnay ito ng araw-araw na ulat sa mga namamatay, damay na rin ang pagkasira ng mga sasakyan.
Heto ang ilang nasawi na iniuulat ng peborit ninyong diaryo, Remate.
Si pulis na Elmer Villa, ng Julita, Leyte Municipal Police Station, nahulog sa irigasyon sa Mayorga, Leyte at namatay.
Patay rin si Cristine Tindoy nang bumangga ang motorsiklo niya sa isang trak sa Liloan, Cebu habang namatay ang backrider na si Jasmin Joy nang makipagbanggaan ang sinasakyan nito sa isa pang motorsiklo sa Malolos, Bulacan.
May mga buong pamilya na sakay lang ng isang motorsiklo ang namamatay rin.
Ayon sa mga awtoridad, maraming dahilan ng pagkamatay ng mga biktima, kabilang na ang kawalan ng suot na helmet, lasing habang nagmamaneho, pagiging kamote rider o walang disiplina o abusado, overspeeding, kawalan o kakulangan ng kasanayan sa pagmamaneho, hindi pagsunod sa mga batas at ordinansa sa trapiko.
Kapag pinagsama-sama ang lahat ng ito, masasabing ugat ng karamihan ng disgrasya ang paglabag sa mga batas at ordinansa sa pagmamaneho.
Kung iisipin, pareho ang mga lokal at pambansang pamahalaan na may batas at ordinansa para sa pagsusuot ng helmet ngunit malawakan ang hindi pagsunod dito at nagsusuot lang ang mga rider sa malayuang biyahe.
Karaniwan ding hindi nanghuhuli ang maraming tagapagpatupad dito, at marami rin sa mga ito ang hindi ring nagsusuot ng helmet.
Nasaan na ang magandang epekto ng mga lisensyadong driving school at mga seminar at pagsusulit ng Land Transportation Office para sa pag-iisyu ng lisensya at pagpapatupad ng mga batas-trapiko?
Marahil, kung matugunan lang ang mga ito nang maayos, malaking mababawas sa mga disgrasay at mas maging ligtas ang mga lansangan para sa lahat.