Home TOP STORIES Babae nanaksak sa Times Square; 1 dedbol

Babae nanaksak sa Times Square; 1 dedbol

2
0

NEW YORK, USA – Isang 49-anyos na babae ang umano’y nanaksak at nakapatay ng isang tao at nakasugat sa isa pa sa sikat na Times Square sa New York noong Lunes. Kalaunan, binaril at napatay siya ng mga pulis.

Ayon kay New York Mayor Zohran Mamdani, patay ang isang biktima habang nasa stable na kondisyon sa ospital ang isa pa.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Pamela Cisneros, residente ng Queens na may iniulat na problema sa kalusugan ng isip. Ayon kay New York Police Commissioner Jessica Tisch, kumuha si Cisneros ng dalawang malalaking kutsilyo mula sa isang bag at nagbanta sa mga taong dumaraan.

Una niyang nilapitan at sinaksak sa tiyan ang isang 68-anyos na lalaki. Makalipas ang 20 segundo, sinaksak naman niya sa tiyan ang isang 32-anyos na babae, na kalaunan ay namatay dahil sa mga sugat.

Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang pangalan ng dalawang biktima habang ipinapaalam pa sa kanilang mga pamilya ang nangyari.

Sinubukan ng mga pulis na kumbinsihin si Cisneros na ibaba ang mga kutsilyo.

“The officers engaged the woman in dialog for four minutes and gave her numerous commands to drop the knives, which she refused,” saad ni Tisch.

Ayon kay Tisch, sinabi rin umano ng suspek sa mga pulis: “I’m not dropping anything. I would rather kill both of you.”

Sinubukan ng mga pulis na gumamit ng stun gun, ngunit hindi ito naging epektibo. Nang sumugod umano si Cisneros sa mga pulis, binaril siya ng mga ito. Dalawang tama ng bala ang tinamo niya at kalaunan ay idineklarang patay sa ospital.

Sinabi ng pulisya na hindi nila nakikitang may kaugnayan sa terorismo ang insidente.

Tinawag ni Tisch ang nangyari na isang “extraordinarily dangerous situation” dahil naganap ito sa gitna ng Times Square, kung saan maraming turista, residente, manggagawa at pamilya ang karaniwang naglalakad. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here