Home METRO Babaeng negosyante, pinagbabaril patay

Babaeng negosyante, pinagbabaril patay

KIDAPAWAN CITY- PINAGBABARIL patay ang isang babaeng negosyante sa tapat ng hardware nito ng hindi pa kilalang suspek nitong Sabado, Marso 23 sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Ara Mae Bangot Diongson Bayhon, 38-anyos, may asawa at residente ng Barangay Kisante Makilala Cotabato.

Batay sa report ng Kidapawan City Police Station, bandang 10:41 AM nang maganap ang krimen sa tapat ng hardware and motorparts na pag-aari ng biktima sa Alim Street, ng naturang lugar.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Dominador Palgan Jr., hepe ng Kidapawan City-PNP, kababa lang ng biktima sa kanyang kulay itim na Toyota Land Cruiser nang biglang sumulpot ang suspek at pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo sa hindi malamang direksyon.

Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa suspek para sa agaran ikadarakip nito. Mary Anne Sapico

Previous articlePagbalik ni Teves sa Pilipinas, matatagalan pa – Topacio
Next articleTulak tigbak sa buy bust ops