MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng South Korean na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Seoul at ng Interpol dahil sa pagkakasangkot sa multi-million dollar real estate investment scam.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang pugante na si Kim Jeonjung, 30, na naaresto noong Pebrero 18 sa kanyang tirahan sa Paranaque City ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng BI.
Sinabi ni Viado na inaresto si Kim sa bisa ng mission order na inilabas niya sa kahilingan ng South Korean government na humingi ng tulong sa BI sa paghahanap at pagpapatapon sa pugante.
“She will be deported so she could stand trial for the crime that she committed in her homeland. She will then be placed in our blacklist and banned from re-entering the country,” ani Viado.
Batay sa rekord, si Kim ay napapailalim sa isang Interpol red notice na inilathala noong Agosto 12 noong nakaraang taon dahil sa isang warrant of arrest na inisyu laban sa kanya ng Suwon district court sa Korea kung saan siya kinasuhan ng panloloko.
Inakusahan ng mga awtoridad ng Korea na si Kim at ang kanyang mga kasamahan ay nagsabwatan sa pag-recruit ng mga nominal na tagapangasiwa upang iwasan ang mga limitasyon sa pautang at makakuha ng actual ownership ng maraming gusali.
“They were said to have made victims sign lease agreements and used a non-capital gap investment method to acquire real estate without actual ownership,” saad ng BI.
Bilang resulta, ang mga suspek ay nakatanggap ng mga deposito sa pag-upa mula sa iba’t ibang mga nangungupahan na nagkakahalaga ng 7.5 bilyong won, o higit sa US$5.2 milyon sa pamamagitan ng large-scale rental fraud.
Sa pagsusuri sa travel record ni Kim, nakitang overstaying na siya dahil ang huling pagdating nito sa bansa ay noong Disyembre 21, 2023.
Kasalukuyang nakakulong si Kim sa BI Warden’s Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, habang hinihintay ang deportation proceedings nito. JR Reyes