Home NATIONWIDE Babala ni Teodoro: Isyu sa WPS inililigaw ng Tsina

Babala ni Teodoro: Isyu sa WPS inililigaw ng Tsina

MANILA, Philippines- Nagbabala si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa umano’y pagsisikap ng Tsina na palitan ang paraan ng debate hinggil sa West Philippine Sea (WPS) dahil sa sinasabing “gentlemen’s agreement” sa pagitan ng Tsina at ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“Let us not fall into the trap set by Chinese propaganda of refocusing the debate on a so-called promise while deflecting attention away from China’s government, thereby freeing and allowing them to continue with their illegal activities in our EEZ (exclusive economic zone),” ayon kay Teodoro sa isang open letter sa mga Filipino.

Ipinalabas ni Teodoro ang liham sa gitna ng diskurso sa umano’y “gentleman’s agreement” nina Chinese President Xi Jinping at Duterte na may kaugnayan sa WPS, na isiniwalat ni dating presidential spokesperson Harry Roque.

“While we realize that accountability is important in the issue on whether or not a so-called ‘gentleman’s agreement’ was forged with China regarding the BRP Sierra Madre and Ayungin Shoal, we Filipinos must not lose sight of the fact that the main threat to our rights in the WPS is the Chinese Governments illegal activities,” wika ni Teodoro.

Matatandaang nagpahayag ang Chinese officials na nilabag ng Pilipinas ang sinasabing umano’y “gentleman’s agreement.”

Bwelta naman ni Roque, ang nasabing agreement ay nagbabawal sa Pilipinas na magsagawa ng anumang konstruksyon at pagkukumpuni ng mga instalasyon sa inookupa nitong mga isla sa WPS pero hindi umano ito binding o walang bisa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Gayunman, sinabi ni Atty. Salvador Panelo na walang pinapasok na kasunduan si dating Pangulong Duterte sa China hinggil sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Nauna nang nagpahayag si dating Presidential Spokesperson Harry Roque na may “gentleman’s agreement” ang Pilipinas at China na nagbabawal sa bansa na magpadala ng mga materyales para sa maintenance ng nakasadsad na barko.

Iginiit ni Panelo na ang sinumang nagkakalat tungkol sa nasabing kasunduan ay sinungaling at nais lamang ng publicity.

Dalawang beses umano niyang nakausap si Duterte noong Holy Week kung saan sinabi ng dating Pangulo na wala siyang pinapasok na ganoong kasunduan sa China maliban sa usapin ng trade relations.

Sa katunayan, ayon kay Panelo, sa ilang beses na pagpunta ni Duterte sa China ay pinanindigan nito ang 2016 Arbitral Ruling.

Kay Duterte rin aniya unang nanggaling ang mga salitang walang isusukong kahit katiting na teritoryo ang Pilipinas gayundin ang foreign policy na “friend to all, enemy to none” na inuulit ngayon ni Pangulong Marcos. Kris Jose