Home NATIONWIDE Badyet ng barangay, SK, padaragdagan pagkatapos ng halalan

Badyet ng barangay, SK, padaragdagan pagkatapos ng halalan

MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Alan Peter Cayetano na kailangan magsama-sama ang pambansa at lokal na pamahalaan upang pag-usapan kung paano mapaglalaanan ng mas malaking pondo ang lahat ng barangay kasama ang Sangguniang Kabataan upang magampanan ang kani-kanilang tungkulin sa komunidad.

Sa kanyang talumpati sa pakikipagpulong sa lokal na opisyal ng Zamboanga City, sinabi ni Cayetano na kailangan kumilos ang buong pamahalaan kasama ang local government units (LGUs) upang kalampagin ang Kongreso sa dagdag pondo.

“After the barangay election, we really have to sit together as a nation and find out how we will add resources sa isang grupo na pinakamalaki y’ung responsibility,” ayon kay Cayetano sa isang pulong sa mga na opisyal ng Zamboanga City kamakailan.

Ikinalungkot niya na ang mga barangay ay madalas nakatatanggap ng pinakamaliit na pondo sa lahat ng mga yunit ng gobyerno sa kabila ng dami ng problemang kailangan nilang tugunan.

“Executive [head] kayo dahil barangay captain, legislative [official] dahil head ng Sangguniang Barangay, and judiciary din dahil [pinuno ng] barangay justice system. Pero pagdating sa pera, kayo ang pinakamaliit,” wika niya.

Hinikayat ni Cayetano ang mga opisyal ng barangay, lalo na ang mga nasa mas malalayong lugar ng bansa, na bumisita sa Senado at sa House of Representatives upang ipadama ang kanilang presensya dito.

“Sana po twice or thrice a year, o kung hindi man yung buong grupo but quarterly may presence kayo,” payo niya sa kanila.

“And pipilitin ko rin naman na mas makapasyal din sa inyo,” dagdag pa niya.

‘Gawin ang tama.’

Hinimok ni Cayetano ang mga kapitan ng barangay na isagawa at itaguyod ang magandang asal sa kanilang mga barangay dahil ito aniya ang pundasyon ng isang matagumpay at maunlad na komunidad.

“’Pag inuna natin halimbawa na pinayagan natin lahat ng ilegal, smuggling, kidnapping, ilegal na sugal, maniwala po kayo panandalian lang OK ‘yon. Babagsak at babagsak hindi lang ekonomiya kundi masisira ang mga pamilya,” sabi niya sa mga local leaders.

“‘Wag nating ipagpalit y’ung tama sa mali para sa panandalian,” dagdag niya.

Ibinida ni Cayetano, na kilala sa kanyang faith-based at values-oriented leadership, kung paano umunlad ang Lungsod ng Taguig sa pamamagitan ng pagsunod sa sinasabi sa Bibliya: “Seeking first the Kingdom of God and his righteousness.”

“N’un pong [unang] naging Mayor si Lani, ang akin pong better half, noong 2010, ang utang ng Taguig is 1.6 billion, ang income ng Taguig 2 billion. By the time na nag-third term siya in 2019, walang utang ang Taguig, 10 billion pesos ang aming income, and almost 700 million ang scholarship,” wika niya.

“So if every single thing that you propose, ang sagot sa inyo ‘subject to the availability of funds,’ ‘wag po kayong mawawalan ng pag-asa,” dagdag niya.

Ayon kay Cayetano, hindi eksklusibo sa Metro Manila ang pag-unlad dahil ayon sa Bibliya, may magandang plano ang Diyos para sa lahat. “Ang Ama natin, gusto niya para sa lahat y’un,” wika niya.

“We focus on doing what is right, we focus on the economy also with the caveat na ‘pag ginawa natin ang kalooban ng Diyos ay dadating at dadating all other things that shall be added unto you,” aniya. Ernie Reyes