Home NATIONWIDE Badyet ng DOH handang tumugon sa ‘FLiRT’

Badyet ng DOH handang tumugon sa ‘FLiRT’

MANILA, Philippines – Bukas ang Department of Health (DOH) sa paggawa ng mga pagbabago sa kasalukuyang badyet nito upang matugunan at mabawasan ang mga posibleng epekto sa bansa ng mga bagong variant ng COVID-19 na tinatawag na “FLiRT.”

Ito ang sinabi ni DOH Undersecreatry Achilles Gerard Bravo, matapos humingi ng paglilinaw ang House committee on appropriations sa oversight meeting tungkol sa mga ulat ng umano’y non-existent budget ng DOH para harapin ang isa pang napipintong sitwasyon ng COVID-19.

Si Bravo na dating assistant secretary ng Department of Budget and Management, ay nagpatibay na ang DOH ay maaaring maglaan ng mga appropriations upang mapaghandaan ang mga epekto ng mga variant ng FLiRT.

Sinang-ayunan ito ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na sinabi na ang ahensya ay may available budget sakaling magkaroon ng health emergency dulot ng mga bagong strain ng COVID-19.

Maaalala na sinabi ni Health secretary Ted Herbosa na hindi naglaan ang DOH ng anumang pondo para sa procurement ng bagong COVID-19 vaccines para sa 2024.

Ginawa ni Herbosa ang pahayag habang ang suplay ng COVID-19 monovalent at bivalent vaccines sa bansa noon naubos na, kasunod ng pag-alis ng State of Public Health Emergency noong Hulyo ng nakaraang taon.

Sinabi ni Domingo na ang budget allocations para sa COVID-19 vaccination ay base lamang sa assessment ng pangangailangan sa kalusugan ng publiko. Ngunit dahil sa mababang kaso ng FLiRT variants, sinabi ng opisyal na maaaring walang kagyat na pangangailangan ng pondo at bumili katulad dati.

Ang KP.2 at KP.3 na mas kilala bilang FLiRT ay kasalukuyang nagpapakalat ng mga variant ng COVID-19 sa ilalim ng pagsubaybay ng World Health Organization (WHO).

Ito ay mga descendants ng JN.1–na isang variant of interest—na siyang responsible sa pagtaas ng impeksyon sa unang bahagi ng taong ito.

Kamakailan ay inatasan an rin ni Herbosa ang Bureau of Quarantine (BOQ) na magsagawa ng masusing screening sa points of entry para sa mga dumarating na bisita mula sa mga bansa kung saan natukoy ang bagong FLiRT variants. Jocelyn Tabangcura-Domenden