NOONG una, may panukala para sa taong 2025 na P74 bilyon bilang pondo ng PhilHealth.
Pero matapos ang bicameral conference committee o bicam meeting kamakailan, nilusaw nang buo ang panukala.
Isang mahalagang tanong: Sino-sinong kongresman at senador ang nagtulong-tulong na lusawin ang panukala?
Sino-sino naman ang hindi bumoto o nag-abstain kaya?
Hanggang sa tinitipa ito, wala pang nagsasalita na kongresman ngunit may ilan nang senador.
Siyempre pa, may mga dahilan ang mga bumoto ng yesyes oh, gayundin ang mga bumoto ng no at nag-nyutral.
Isa pang tanong: Pupwede bang hindi bigyan ng anomang benepisyo mula sa PhilHealth ang mga senador o kongresman na sumibak sa P74B para sa taong 2025, kahit pa contributor din sila sa PhilHealth?
Ito’y dahil, nang sinibak nila ang P74B, pinagkaitan din nila ng benepisyo ang mga miyembro ng PhilHealth.
ANG AKAP
Noong una, pinalutang ng ilang senador na pansuhol lang sa mga tao ang Ayuda sa Kapos ang Kita o AKAP kaugnay ng halalang 2025.
Nagsimula ang AKAP bilang misteryo noong 2023 dahil isinama ito ng mga kongresman bilang programa lang nila.
Misteryo dahil, bukod sa kawalan ng kaalam-alam ng mga seandor, bigla na lang lumitaw ito sa bicameral conference committee noong 2023.
Pero inaprub pa rin ito sa halagang P13B para sa taong 2024.
Ukol sa panukalang pang-2025, P39B ang panukala ngunit ibinaba ito sa P26B.
May tumutol pa rin pero nanaig ang nakararami sa bicam, kasama ang higit na nakararaming senador, para aprubahan ito dahil mero na sila ngayong parte na nasa P5B.
Ganun pala iyon. Hehehe!
Ngayon, sino-sino ang mga kongresman at senador na bumoto para sa AKAP at sino-sino ang mga kumontra?
Sa palagay ninyo, kapag binigyan kayo ng AKAP na P3,000, sapat nang kapalit ng inyong boto sa halalang 2025 kung totoong pambili ng boto ang AKAP, gaya ng paniniwala ng iba?
Masakikt magisa sa sariling mantika, lalo’t inalisan ka ng pampagamot sa PhilHealth.