MANILA, Philippines – KAPUWA tinintahan ng Pilipinas at Singapore ang bagong kasunduan ukol sa deployment ng Filipino health workers at pagtugon sa climate change.
Layon nito na mas palakasin pa ang mahigit sa five-decade-old bilateral relations ng dalawang bansa.
Sa katunayan, sinaksihan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Singaporean President Tharman Shanmugaratnam ang pagpapalitan ng bagong kasunduan sa Palasyo ng Malakanyang bilang bahagi ng three-day state visit ng huli sa Pilipinas.
Ang unang memorandum of understanding (MOU) na pinirmahan ay hinggil sa recruitment ng mga Filipino healthcare workers.
Winika ng Pangulo na pinagsumikapan ng health agency ng dalawang bansa ang MOU para masiguro na balanse ang makakamit sa pamamagitan ng pangangailangan ng healthcare sector ng Pilipinas at Singapore at maging ang pangangailangan para sa personal development at paglago ng mga Filipino health worker.
“Through this MOU, we express our confidence in Singapore’s legal and judicial system, which will ensure that the rights, welfare, and well-being of our kababayan OFWs (overseas Filipino workers) will be protected as they pursue their careers in Singapore,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Ginawa ring pormal ang MOU for Collaboration on Carbon Credits sa ilalim ng Article 6 ng Paris Agreement.
“Hopefully, with this memorandum, we will be able to incentivize both industries and individuals to actively work to reduce their carbon footprint, while allowing the government to mobilize financial resources to boost fiscal space,” dagdag na pahayag ni Pangulong Marcos.
Isiniwalat pa ng Chief Executive na mas maraming kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Singapore ang nasa pipeline, gaya ng ‘health’ para matiyak na ang Filipino health workers, kung saan ang mga kontrata ay malapit nang makompeto ay ire-reintegrate sa Philippine economy.
Isang kasunduan sa pagitan ng Philippine local government units at Singapore private sector partners ang pinaplantsa na rin sa ngayon.
Samantala, unang nagpulong sina Pangulong Marcos at Tharman sa sidelines ng Asia’s premier 2024 IISS Shangri-La Dialogue noong Mayo.
Binisita ni Tharman ang Pilipinas bilang tugon sa imbitasyon ni Pangulong Marcos.
Naitatag naman ang diplomatic relations sa pagitan ng Pilipinas at Singapore noong May 16, 1969. Kris Jose