
NILAGDAAN ng pamahalaan ang isang bagong Joint Administrative Order (JAO) nitong Hunyo 9, 2025, na naglalayong tiyakin ang maayos, ligtas, at higit pang proteksyon sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW), gaya ng napapanahong pagdating ng Balikbayan boxes para sa kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.
Pinangunahan ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Customs (BOC) ang pagbuo ng JAO, kasama ang Department of Transportation (DOTr), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Ports Authority (PPA).
Ang hakbang ay tugon sa direktiba ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. na gawing prayoridad ang pangangailangan ng mga OFW at gawing mas epektibo ang serbisyo ng pamahalaan para sa kanila.
Nakasaad sa JAO ang malinaw na pamantayan at pananagutan ng mga dayuhan at lokal na freight forwarders sa paghawak ng balikbayan boxes. Layunin nitong maiwasan ang pagkaantala, maling paghawak, at mga pananamantala mula sa mga mapagsamantalang kompanya sa loob ng cargo at logistics sector.
Sinuportahan din nina Representative Jude Acidre ng Tingog party list at siyang chairperson ng House Committee on Overseas Workers Affairs at OFW PartyList Representative Marissa Magsino ang bagong kautusan.
Base sa kautusan, magpapatupad ang BOC ng mas mahigpit na panuntunan sa pagpaparehistro at regulasyon ng mga deconsolidator at kanilang mga dayuhang kasosyo. Magkakaroon din ng publikong listahan ng mga akreditadong forwarder sa website ng BOC upang makapili ng maaasahang serbisyo ang mga OFW.
Ang hakbang ay patunay ng patuloy na dedikasyon ng Marcos administration sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga OFW at sa pagpapahalaga sa makulay na tradisyong Filipino ng pagpapadala ng mga balikbayan box.
Matatandaan na nito lamang nagdaang Linggo, ibinigay ng BOC ang kustodiya ng nasa 2,954 na mga hindi naprosesong balikbayan boxes sa DMW na kumuha naman ng panibagong pribadong freight forwarder upang siyang maghatid nito sa mga naghihintay na pamilya ng mga OFW.
Taon-taon, libo-libong balikbayan boxes ang hindi nakararating sa pamilya ng mga OFW dahil sa kapabayaan ng mga nakuhang freight forwarder ng mga manggagawa sa abroad.