Home NATIONWIDE Bagong mobile kitchens, water treatment trucks para sa kalamidad ibinida ng DSWD

Bagong mobile kitchens, water treatment trucks para sa kalamidad ibinida ng DSWD

MANILA, Philippines- Isinapubliko na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ilang disaster response vehicles na ide-deploy sa mga lugar na tatamaan ng mga kalamidad sa hinaharap.

Kabilang dito ang 16 mobile kitchens na ide-deploy sa lahat ng rehiyon at maging ang mobile water treatment facilities na may kakayahan na magproseso ng baha para maging potable water.

“Isa sa pinakamataas na marka ng administrasyon ang disaster response, pero syempre sa mabilis na pagtugon ng pangangailangan ng taumbayan, dapat may sapat na equipment,” ang sinabi ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian sa ceremonial launch sa National Resource Operations Center (NROC) sa Pasay City.

Ang mobile kitchen ay idinisenyo para magbigay ng ‘hot meals’ o mainit na pagkain para sa internally displaced persons (IDPs) at pamilya sa panahon ng emergency.

“Hindi pwede laging preserved food at nasa food packs lang ang kakainin nila, so nagse-set up sila ng community kitchen para fresh yung iluluto at makakatulong yung mobile kitchen para sa mga nasa evacuation center,” ang tinuran ni Gatchalian.

“Ready na sila, nakagayak na sila, ipapadala na sila sa mga regions natin. Pag in action yan, makikita nyo sabay sabay yan in action,” dagdag ng Kalihim.

Sa kabilang dako, ang mobile water treatment at water tanker trucks ay idinisenyo para maghatid ng maraming tubig sa evacuation centers o sa mga lugar na apektado ng water shortages.

Ang pasilidad ay maaaring gamitin para ayusin at gamutin ang baha at sea water para maging potable water para sa mga pamilyang apektado ng kalamidad.

Matatandaang inilunsad ng DSWD noong nakaraang taon ang mobile command centers para sa kalamidad na ginamit na sa panahon ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.

Ang ‘kitchens at mobile water treatment units’ ay idinisenyo para umakma sa kanila. Kris Jose