Home OPINION BAGONG MUKHA NG DOLE, HUSTISYA PARA SA MGA MANGGAGAWA

BAGONG MUKHA NG DOLE, HUSTISYA PARA SA MGA MANGGAGAWA

36
0

HINDI pa man nagtatagal sa pwesto bilang kalihim ng Department of Labor and Employment o DOLE, agad nang nagsagawa ng aksyon si Secretary Francis Tolentino na sa unang tingin ay tila malinaw ang mensahe na oras na upang mas mapalapit ang gobyerno sa ordinaryong manggagawa.

Isa sa mga unang inanunsyo ni Tolentino ay ang plano niyang bumuo ng isang labor legal counsel program para sa mga mahihirap na manggagawa na kung maisasakatuparan ay mistulang magkakaroon ng sariling bersyon ng Public Attorney’s Office o PAO ang sektor ng paggawa na tutulong sa mga manggagawang walang perang pambayad sa abogado ngunit nais ipaglaban ang kanilang karapatan laban sa illegal dismissal, labor violations, at iba pang abuso sa trabaho.

Magandang pakinggan ito lalo na sa panahon ngayon na marami pa ring empleyado ang takot magsampa ng reklamo dahil sa kakulangan ng pera at impluwensya.

Sa totoo lang, hindi lahat ng manggagawa ay may kakayahang lumaban sa malalaking kumpanya. Madalas, tahimik na lamang nilang tinatanggap ang kawalan ng hustisya dahil mas inuuna nilang may maiuwi sa pamilya kaysa gumastos sa kaso.

Pero hindi lang sa salita ito dapat gawin kundi sa gawa dahil mas mahalagang makita kung paano ito maisasakatuparan. Marami na kasing magagandang programa ang inilunsad noon ngunit nauwi lamang sa pangako kaya ang hamon ngayon kay Tolentino ay kung paano niya gagawing mabilis, epektibo, at abot-kamay ang legal assistance para sa mga ordinaryong manggagawa sa iba’t ibang panig ng bansa.

Bukod sa inilatag na plano, nagpakita rin ng kamay na bakal ang Kalihim nang agad niyang ipag-utos ang preventive suspension kay DOLE Region 3 Director Geraldine Panlilio kaugnay sa pagguho ng gusali sa Pampanga. Para sa marami, malinaw itong senyales na nais niyang ipakita na walang sasantuhin sa usapin ng kapabayaan lalo na kung buhay ng manggagawa ang nakasalalay.

Dito masusukat ang tunay na direksyon ng bagong liderato sa DOLE. Hindi sapat ang inspeksyon lamang sa papel, mas mahalaga ang kaligtasan ng mga trabahador sa workplace at hindi dapat ginagawang pormalidadm kundi seryosong responsibilidad. Kapag may pumalya, may dapat managot.

Sa ngayon, maraming manggagawa ang umaasa na ang mga unang hakbang ni Tolentino ay hindi lamang pang-press briefing kundi simula ng mas matapang at makataong pamamalakad sa DOLE dahil sa huli, ang tunay na sukatan ng isang labor secretary ay hindi kung gaano kaganda ang kanyang talumpati, kundi kung gaano niya pinoprotektahan ang karaniwang manggagawa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here