MANILA, Philippines – Pabor si Northern Samar Rep. Paul Daza na magkaroon ng bagong bersyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) kung titiyakin ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na mas “upgraded” ito at walang mga paglabag.
Sa budget briefing ng Pagcor sinabi ni Pagcor Chairman Alejandro Tengco sa mga miyembro ng House Committee on Appropriations na bukas sila na magkaroon muli ng POGO at pag aaralan kung ano ang pwede ipalit dito.
Sagot naman ni Daza na kung banned ngayon ang POGO dahil sa mga illegal na aktibidad na inuugnay dito, maaaring sa mga susunud na taon kung mapagbuti ito ay maaaring mabuksan muli.
“Learn from experience, weed out the bad elements, come up with a better version that would help the economy” pahayag ni Daza.
Samantala, iniutos ni Daza sa Pagcor na agad bumalangkas ng plano para matulungan ang mga Pinoy worker na maaapektuhan ng tuluyan nang pagsasara ng mga POGO hub sa pagtatapos ng taon.
Sa panig ni Tengco, sinabi niya na nakikipag-ugnayan na sila kay Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma para makagawa ng paraan para sa mga maapektuhang empleyado.
Sinabi ni Daza na nasa 30,000 hanggang 60,000 ang maaapektuhan sa pagsasara ng operasyon ng POGO. RNT