NEGROS OCCIDENTAL, Philippines – Natagpuang patay ang isang bagong silang na batang babae na isinilid sa sako sa Barangay General Luna, Toboso, Negros Occidental noong Huwebes, Setyembre 3.
Ayon sa pulisya nitong Martes, lumabas sa post-mortem examination na nagtamo ang sanggol ng maraming saksak sa harap at likod ng katawan at namatay dahil sa hemorrhagic shock secondary to stab wounds.
Sinabi ni Negros Occidental Police spokesperson Capt. Judesses Catalogo na nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ina ng sanggol, na isang menor de edad, habang sinusuri ang kanyang kalagayan at pinag-aaralan kung magsasampa ng pormal na reklamo.
Ayon kay Catalogo, may mga testigong nagtuturo sa ina bilang person of interest. Sinisiyasat din ng pulisya kung may posibleng kinalaman ang ama ng sanggol sa krimen.
Natuklasan ang sanggol matapos mapansin ng isang residente ang sako na iniwan sa tabi ng bahay ng kanilang kapitbahay. Nang tingnan niya ito, nakita niya ang sanggol na nakabalot sa tela at nakalagay sa loob ng sako ng bigas.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong pangyayari sa pagkamatay ng sanggol. RNT/MDS