Home OPINION BAGONG TESDA DG JOSE FRANCISCO B. BENITEZ,  MAINIT NA TINANGGAP NG DOLE

BAGONG TESDA DG JOSE FRANCISCO B. BENITEZ,  MAINIT NA TINANGGAP NG DOLE

Pinangunahan ni Employment and Human Resource Development Cluster Undersecretary Carmela I. Torres bilang kinatawan ni Kalihim Bienvenido E. Laguesma ang malugod na pagtanggap ng Department of Labor and Employment (DOLE) kay Director General Jose Francisco “Kiko” B. Benitez bilang bagong pinuno ng TESDA.
Kasabay  sa pagpapalit ng liderato ay ang pagdiriwang ng ani­bersaryo nito na may temang, “TESDA 30th: Continuing Legacy of Empowering Filipinos, Elevating Global Competence,” noong 19 Agosto 2049, sa Pasay City.
Sa mensahe ng Kalihim na ipinarating ni Pangalawang Kalihim Carmela I. Torres, ipinangako ang buong suporta nito sa higit pang pagsusulong ng technical-vocational education and training (TVET) sa buong bansa.
Pinuri ng Kalihim, na siya ring Tagapangulo ng TESDA Board, ang kakayahan ni Director-General Benitez na gampanan ang tungkulin dahil sa kanyang mga kontribusyon at pagiging dalubhasa bilang Co-Commissioner ng Second Congressional Commission on Education na naatasang magsagawa ng komprehensibong pagtatasa at pagsusuri sa kalagayan ng sektor ng edukasyon sa Pilipinas.
“Sa kanyang malawak na karanasan at sa serbisyo publiko, kabilang ang kanyang pagiging Co-Commissioner ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), ako ay tunay na nagtitiwala at nananalig na itutulak niya ang TESDA patungo sa mas mataas na antas upang matiyak ang patuloy na pagpapaunlad ng TVET sa ating bansa,” pahayag ni Secretary Laguesma sa kanyang mensaheng ipinarating ni Undersecretary Torres.
Pinuri ng Kalihim ang mga tagumpay ng TESDA sa pa­ngunguna nito sa pagbibigay ng kinakailangan, naayon, mataas na kalidad, at mahusay na edukasyong technical-vocational at pag-unlad ng mga kasanayan bilang suporta sa mga layunin ng administrasyon na bumuo ng isang globally competitive na manggagawang Pilipino.
Kanya ring binanggit na ang paggunita ay isa ring “naayong panahon para ilatag ang bisyon at layunin ng TESDA para sa mga susunod na taon,” na ginagabayan ng national at sectoral development plans, katulad ng Philippine Development Plan, Philippine Labor and Employment Plan, at ang National Technical Education and Skills Development Plan.
Itinatag ang TESDA noong Agosto 1994 sa pamamagitan ng Republic Act No. 7796 upang himukin ang buong partisipasyon at pakilusin ang industriya, manggagawa, lokal na pamahalaan, at technical-vocational institution sa pagpapaunlad ng mga kasanayan ng yamang-pantao ng bansa.