Home OPINION BAGONG WORK SCHEDULE UUBRA KAYA?

BAGONG WORK SCHEDULE UUBRA KAYA?

SIMULA kahapon, nagpatupad ang Metro Manila Development Authority ng bagong working schedule sa mga manggagawa sa Kamaynilaan para uamno maibsan ang bigat ng trapiko na araw-araw na sinasagupa ng mga empleyado.

Mula oras ng trabaho na alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, ini-adjust ito sa alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.

Sa tingin ba ng MMDA ay magiging epektibo itong ginawa nilang hakbang upang magluwag ang daloy ng mga sasakyan sa mga kalsada ng Metro Manila lalo na sa EDSA at iba pang pangunahing lansangan?

Hindi kaya, itinulad lang nila ang kanilang programa sa naging programa noong panahon ng namayapang Pangulong Cory Aquino? Daylight Saving Time ang inilunsad ng Aquino Administration na layon naming magtipid ng kuryente kung kaya ini-adjust ang oras sa bansa. Inagahan ito ng isang oras.

Kung ang pasok ng mga empleyado ay alas-7 ng umaga, tiyak karamihan sa mga ito ay gumigising ng alas-4 ng umaga upang makapasok ng tamas a oras. Eh, paano naman ang oras ng lunch break nila? Alas-onse ba ng umaga?

Tama nga kaya ang desisyon ng MMDA? Sabagay, kasama  nila sa desisyon ang 16 na alkalde ng mga lunsgod at isang munisipalidad sa National Capital Region kaya posibleng magtagumpay ito.

Pero kung pakaiisipin, hindi naman ang oras ng trabaho ng mga manggagawa ang problema sa trapiko. Ang problema ay mismong mga motorista kasama na ang mga pedestrian at idagdag pa ang mga traffic enforcer.

Ang pinakatamang gawin ng MMDA at local government units ay magtalaga ng matitino at mahuhusay na traffic enforcers sa mga lansangan, at bigyan ang mga ito ng tamang training at edukasyon kaugnay sa pagpapatupad ng batas trapiko.

Kailangan ding ipatupad ang tamang disiplina sa mga motorist ana madalas ay hindi kinikilala ang mga traffic enforcer na nagpapakahirap sa ilalim ng tirik na araw para lang maisaayos ang daloy ng mga sasakyan.

Kailangan ding ipatupad ang tamang disiplina sa mga pedestrian na wala sa lugar ang pagtawid sa mga lansangan kung kaya naman sa pag-iwas sa kanila ng mga motorista ay nagugulo ang daanan kaya naman nagkakaroon nang pagsisikip sa daloy ng trapiko.

Sana nga, pag-aralan munang mabuti ng MMDA at LGUs ang mga tamang hakbangin upang maibsan ang problema sa trapiko sa M.M.