MANILA, Philippines- Pinanindigan ng Korte Suprema ang nauna nitong desisyon na ang Baguio City ay hindi sakop ng ancestral claims sa ilalim ng Republic Act No. 8371, o ang Indigenous Peoples Rights Act of 1997 (IPRA).
Ibinasura ng Korte ang motion for reconsideration na inihain ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at ng mga tagapagmana nina Joan L. Gorio at Lauro Carantes (Carantes) laban sa desisyon ng Korte noong Hulyo 11, 2023 na nagdeklara na sa ilalim ng Section 78 ng IPRA, hindi dapat gamitin ang batas sa lungsod ng Baguio. Sa halip, ang sarili nitong charter ang magpapasya sa mga karapatan sa lupa sa loob ng lungsod.
Taong 1990 nang maghain ang mga tagapagmana ng ancestral claim para sa mga parcel ng lupa sa Baguio City. Kabilang umano sila sa Ibaloi indigenous cultural community. Ipinagkaloob ng NCIP ang kanilang claim at naglabas ng certificates of ancestral land titles sa kanilang pangalan. Base sa mga sertipiko, mananatili ang mga karapatan ng mga tagapagmana sa lupain kahit pa iproklama ang mga lupain bilang isang government reservation o lupaing inilaan ng gobyerno para sa isang partikular na paggamit. Noong 1907, ang Baguio City ay idineklara bilang Baguio Townsite Reservation.
Sa desisyon noong Hulyo 11, 2023, pinaboran ng Korte Suprema ang Republika at idineklarang ang Baguio City ay hindi napapailalim sa IPRA dahil sa pagkakatalaga nito bilang Townsite Reservation. Binigyang-diin nito na hindi pinawalang-bisa ng IPRA ang mga naunang proklamasyon na nagbibigay ng mga karapatan sa ari-arian, sa kasong ito, pabor sa gobyerno.
Gayunman, kahit na ang Baguio City ay hindi kasama sa operasyon ng IPRA, ang mga katutubo ay maaari pa ring magtatag ng kanilang pagmamay-ari sa kanilang mga lupain kung mapapatunayan nila ang patuloy na pag-okupa at pagmamay-ari ng lupa mula pa noong unang panahon, kahit nasa loob ng reservation. Binigyang-diin ng Korte na iba ito sa pagkilala sa mga ancestral rights na itinatag sa ilalim ng IPRA.
Sa kaso ng mga tagapagmana ni Carantes, nabigo silang patunayan na sila at ang kanilang mga ninuno ay tradisyunal na sumasakop at patuloy na nagmamay-ari ng lupain.
Ang Resolution ay mula sa Supreme Court En Banc na isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen. Teresa Tavares