Home METRO Baguio public market, nagprotesta laban sa planong “mallification”

Baguio public market, nagprotesta laban sa planong “mallification”

295
0

BAGUIO CITY, Philippines – Araw-araw, nagsasagawa ng protesta at ingay o noise barrage ang daan-daang vendors sa Baguio City Public Market laban sa planong modernisasyon ng merkado ng lungsod, dahil sa takot na maisapribado, tumaas ang upa, at mawalan ng kabuhayan.

Tuwing hapon, nagpapaingay ng mga kaldero, bakal, at gong ang mga vendor bilang paraan ng protesta para marinig ng City Council ang kanilang hinaing.

Ayon sa mga vendor, ang merkado ay dapat manatiling para sa tao ng Baguio, at hindi maging mall.

Mahigit isang daang taon nang sentro ng kalakalan ang merkado sa Cordillera, nagtitinda ng gulay, prutas, karne, bulaklak, at kape, at paborito rin sa mga turista.

Ayon sa Baguio Market Vendor Association (BAMARVA), suportado nila ang pagpapaganda ng merkado, pero hindi ang privatization.

Ang plano ay ipatupad sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP), na may interes mula sa mga pribadong kumpanya tulad ng SM Prime Holdings.

Ayon sa proposal, pansamantalang ililipat ang vendors sa dating slaughterhouse habang ginagawa ang konstruksyon, at may panganib na malugi ang maliliit na vendors at magsasaka.

Tinawag ng mga vendors ang proyekto bilang “mallification”, o ang pagbabagong komersyal ng isang public market.

Sinabi ng opisina ng mayor na hindi mapi-pribado ang merkado at lahat ng kita mula rito ay mapupunta sa lungsod.

Ang bagong merkado ay may pitong palapag—apat para sa public market, tatlo para sa mall, at walong level ng parking—na may kontrata sa loob ng 50 taon.

Patuloy ang protesta ng mahigit 4,000 vendors, at may signature campaign silang naglalayong makalikom ng 25,000–30,000 pirma.

Ang Baguio City Council ay inaasahang magpapasya sa susunod na buwan.

Ayon sa isang vendor, “Habang may boses at hininga pa kami, ipagpapatuloy namin ang laban para sa merkado na manatiling para sa tao at hindi maprivatisado.” RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here