Home OPINION BAGYO NANDO AT BAGYONG RALLY

BAGYO NANDO AT BAGYONG RALLY

268
0

PAREHONG dumating sa Pinas sa halos iisang panahon ang super bagyong si Nando at super rally laban sa mga korap at mandarambong.

Pininsala ni Nando ang northern Luzon, kasama ang Babuyan Islands, Batanes, Cagayan at Ilocos Norte at nagpapasalamat tayong lumabas na sa bansa ngayong umaga.

Halos buong Luzon ang sinakop ni Nando bagama’t natural na humina ang mga wind signal at ulan depende sa layo ng mga lugar gaya ng Quezon province, Metro Manila at Central Luzon.

Habang tinitipa ito, wala pang naiuulat na namatay kay Nando ngunit kitang-kita na maraming ari-arian ang pininsala nito, kasama ang mga nawasak na bahay at gamit sa paghahanapbuhay gaya ng bangka ng mga mangingisda.

Sana makabangon sila mula sa kamatayan, kung meron man, at pagkakalugmok sa pagkasira ng kanilang kabuhayan, tahanan at pagtatagal sa mga evacuation center.

Tamaan ka ba naman ng super bagyong may bugsong mahigit sa 250 kilometro kada oras na lumikha ng 3-10 metrong alon sa karagatan at may kakambal na malalakas na ulan na lumikha ng mga baha at landslide.

Isa sa ipinagpapasalamat natin, mga Bro, ang mabilis nitong paglabas ng bansa.

PASALAMAT SA GOBYERNO AT MAMAMAYAN

Malayo pa ang bagyo at dahil sa anunsyo ng PAGASA, kumilos na ang gobyerno para maagang maibakwit ang mga tiyak na maaapektuhan.

‘Yung iba, ibinakwit ang mga sarili.

At sinasabing mahigit 10,000 ang napunta sa mga evacuation center at kasama na rito ang ilang taga-Central Luzon na binabaha tuwing may malalakas na ulan.

Magpasalamat tayo at naging mabilis ang pamahalaan at maging ang mga mamamayan na nagtulungan para sa pagbabakwit tungo sa mga ligtas na lugar at pamamahagi ng kailangan ng mga biktima, sa loob man o labas ng evacuation centers.

BAGYO AT RALLY BINANTAYAN

Ang totoo, binantayan natin pareho ang pagdating ni Nando at ang mga naganap na rally laban sa korapsyon at pandarambong at mga nasa likod ng mga ito.

Binantayan natin dahil pareho nating inasahan na magdadala ang mga ito ng pinsala sa marami.

Hindi biro ang ipinararating na kalamidad ni Nando na isang super bagyo at may mga napinsala nga.

Nagkaroon din ng pinsala ang hindi matiyak na bilang ng mga mamamayan mula sa kamay ng mga nag-riot na raliyesta sa Maynila.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, may 200 nahuli na sangkot sa kaguluhan at paninira at panununog sa mga ari-arian at ikinamatay rin ng isang nasaksak at ikinaospital ng mga pulis at iba pa.

Sa kabilang banda, bagama’t naging super bagyo ang boses ng mga mamamayan laban sa mga korap at mandarambong, hindi gaanong naapektuhan ang mga salbaheng ito.

Iisa pa lang ang nag-resign at iilan pa lang ang nasibak sa empleyo o kaya’y nadetine.

Kung waepek ang mga rally laban sa mga korap at mandaramong, ihagis na lang kaya ang mga ito sa super bagyo at baha na likha nito para matapos na ang pamiminsala ng mga ito?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here