Home NATIONWIDE Bagyong Khanun humahagupit sa SoKor

Bagyong Khanun humahagupit sa SoKor

SOUTH KOREA – Nananalasa na ngayon sa South Korea ang bagyong Khanun, o bagyong Falcon na pumasok sa ating Philippine area of responsibility.

Sa ulat ng Korean Meteorological Administration, nag-landfall ang bagyo sa mainland Tongyeong taglay ang lakas ng hangin na 126 kilometro kada oras at kumikilos sa bilis na 22 kilometro kada oras.

Malaki ring banta ang pagtawid ng sentro ng bagyo sa Korean Peninsula at mismong sa Seoul metropolitan area kung saan naninirahan ang 51 milyong residente.

Nanawagan naman si South Korean President Yoon Suk Yeol sa mga opisyal na maging alerto at agresibo sa kanilang disaster prevention measures at paglilikas, lalo pa’t ilang linggo lamang ang nakararaan ay sinalanta ng matinding baha ang bansa na kumitil sa buhay ng 47 katao.

Sa kasalukuyan ay nararanasan na ang malakas na hangin at ulan sa Busan at karatig na mga bayan.

Ipinag-utos na ang paglilikas sa nasa 10,000 indibidwal lalo na sa southern regions ng bansa.

Nasa 340 flights naman ang hindi pinayagang makalipad at 400 kalsada ang isinara muna.

Tigil-operasyon din ang ferry services at mahigit 60,000 bangkang pangisda ang inihimpil muna sa mga pantalan.

“If the storm penetrates the country as forecasters predict, not one region will be safe,” pahayag ni Minister of the Interior and Safety Lee Sang-min. RNT/JGC