Home OPINION BAGYONG PEPITO PASOK NA SA PINAS

BAGYONG PEPITO PASOK NA SA PINAS

HABANG very busy ang Kamara sa mga imbestigasyon sa war on drugs ni ex-Pangulong Digong Duterte, very busy naman ang mga bagyo sa pagdadala ng kalamidad sa mahal kong Pinas.

Akalain ba natin, mga Bro, na kaaalis lang nina Nika, Leon, Marce at Kristine, andiyan at dumating na si bagyong Ofel na tumama na sa Pilipinas mula Kabikulan hanggang sa Batanes.

At habang nagaganap ang mga ito, si Pepito naman ay nakapasok na sa Philippine Area of Responsibility.

Heto ngayon, mga Bro, si Ofel, halos pareho sila ni Nika ang ruta.

Sa northern Luzon nanalasa at nananalasa.

Pero itong si Pepito, kung hindi na magbabago ang direksyon, daraan ang pinakagitna nito mismo sa Timog Katagalugan at Kabikulan at lalabas ito sa parteng Pangasinan.

Pero sakop nito ang dulong norteng Mindanao hanggang Batanes.

Ganyan kalaki ang saklaw ni Pepito.

MAULAN, MABAHA, SUPER TYPHOON

Gaya nina Nika at Ofel, magiging maulan din si Pepito.

Pero mas matindi pa, mga Bro, dahil sinasabi ng PAGASA na posibleng maging super typhoon ito.

‘Yun bang === aabot ang hangin nito sa 185 kilometro kada oras pataas.

Kapag maulan na at super bilis at lakas pa ang hangin nito, kung hindi makapag-ingat ang mga mamamayan, anak ng tokwa, mayroon at mayroong mamamatay.

Ang isang malaking dahilan, daraan si Pepito sa matataong mga lalawigan mula sa Kabikulan at Timong Katagalugan, Central Luzon (hagip ang Metro Manila) Pangasinan at La Union-Ilocos Sur.

Asahan na ang matitinding pagbaha at landslide.

Mauulit kaya ang pananalasa kamakailan ni Kristine na pumatay ng nasa 160 katao at nakasama niya sa pagpatay si Leon?

Ito ang isang katanungan, lalo na kung iisipin na sa northern Luzon pumalo nang husto ito ngunit higit na marami ang pinatay ito sa Kabikulan at Timog Katagalugan dahil sa dala nitong siyam-siyam na ulan sa nasabing mga parte ng bansa.

Paano ngayon na daraan si Pepito sa pinakamatataong lugar sa Luzon?

EVACUATION CENTER AT RELIEF GOODS

Siyempre pa, hindi matatawaran ang bilis ng Department of Social Welfare and Development sa paghahanda para sa mga pagkain at laban sa gutom at iba pang mga pangangailangan ng mga biktima.

Andiyan din ang Department of Health para sa mga doktor at gamot, ang mga pulis at sundalo na nakahanda para sa mga search and rescue, National Disaster Rist Reduction Management Council at mga local government unit.

Lagi namang nakahanda sa pagtulong ang iba’t ibang sibilyang organisasyon.

Ang paghahanda ng evacuation center ang isa ring napakahalagang gawin dahil baka manalasa nang husto si Pepito.

Pinakamagandang katumbas ng paghahanda ang pinakamasang mangyari gaya ng posibleng pagkakaroon ng mga patay sa lunod, landslide at iba pang mga dahilan at pagkalunod maging ng mga mabababang bahay.

Nasaan na ba tayo sa lahat ng mga usaping ito?