Home OPINION ICC? SISIPAIN KO SILA RITO AT DOON – DIGONG

ICC? SISIPAIN KO SILA RITO AT DOON – DIGONG

HABANG iniimbestigahan ng Quad Committee ng Kamara si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, tinanong siya kung ‘oks’ lang sa kanya na pumunta ang mga taga-International Criminal Court sa Pilipinas at imbestigahan siya.

Sabi niya, kahit kahapon, pwedeng pumunta ang mga taga-ICC at imbestigahan siya.

Ang isa niyang malaking dahilan?

Nagkakaedad na umano siya at anomang oras aabutin siya ng kamatayan at kung gayon, hindi na siya maiimbestigahan.

Nang tanungin siya kung pupwede rin siyang madala o pumunta mismo sa ICC, sinabi rin ni Digong na kung bigyan siya ng pamasahe, pupunta siya roon.

Siyempre pa, natuwa na ang mga anti-Digong. Nagpiyesta sila.

May sumunod pang nagtanong kay Digong kung talagang ‘okay’ lang sa kanya na imbestigahan siya at sinabi niyang oks lang.

Nang huli, sinabi ni Digong na kung may pupuntang taga-ICC rito, sisipain niya.

At kahit na pupunta pa siya sa opisina ng ICC sa ibang bansa, sisipain niya rin sila roon.

Hindi pa natutuyo ang kanyang laway na oks siyang imbestigahan, lumabas ang tunay na laman ng isipan at paninindigan ng dating Pangulo.

Hindi siya magpapaimbestiga sa mga taga-ICC.

At may seryoso siyang dahilan.

Ngunit heto ang mas mahalagang usapin.

Handa siyang makasuhan sa Pilipinas.

Ngayon, matanong natin ang mga sumasandal sa ibang mga bansa sa usaping pangkatarungan.

Wala ba silang tiwala sa mga piskal sa Pinas at sa mga korte sa Pinas hanggang sa Supreme Court?

Kung ganito ang kaisipan ng ilang mambabatas na anti-Digong, ano ang dahilan at pinananatili nila ang mga sarili na mambabatas sa Pilipinas?

Sa mga dayuhan pala sila nananalig sa pagkamit ng katarungan.

Hindi magandang halimbawa para sa mga mambabatas na ipasakamay nila ang pagkamit ng katarungan sa mga dayuhan.

Pambabastos sa sistemang pangkatarungan ng Pilipinas ang ganitong lakad at hindi ito dapat palagpasin mismo ng mga piskal at hukom sa Pilipinas.