
SA mga balita, inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang kanyang saloobin kaugnay sa hindi na pagturing sa kanya ni Vice President Sara Duterte bilang kaibigan.
Bahagya umano siyang nadismaya, ayon sa Pangulong Marcos, at hindi niya raw lubos maisip na masabi ito ng kanyang dating partner sa Uniteam kung saan ay tandem sila sa pangunahing posisyon sa bansa.
Nakatutuwa naman itong si Pangulong Marcos. Parang hindi nag-iisip sa binibitawang salita.
Paano pa ba siya itinuring na kaibigan nitong Bise Presidente na buong tatag na umalalay sa kanya noong panahon ng eleksyon pero hindi naman niya kanyang ipagtanggol sa atake rito ng ilang taong malalapit sa kanya?
Mabuti pa nga itong ate niya na si Senadora Imee Marcos na nanindigan hanggang huli sa maayos na pakikitungo sa pamilya ng dating nakaupo sa pamahalaan. Itong si Manang Imee ay marunong tumanaw ng utang na loob na dahil nga kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay napalibing sa libingan ng mga bayani ang kanilang ama na si Apong Marcos.
Sa totoo lang, dapat si VP Duterte ang magsabi na dismayado siya kay Pangulong Bongbong dahil hindi niya maipagtanggol ito sa panggigipit ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Kung naging parehas lang sana ang paninindigan ni PBBM kaugnay sa pagtrato ng mga mambabatas sa budget ng Office of the Vice President, eh di hindi sana pinagtulung-tulungan ito na dakdakan at gipitin ng mga mambabatas sa Kongreso.
Totoo bang siya pa nga ang nagpabigay ng monthly allowance ni VP Sara mula sa isang Government Owned and Controlled Corporation o GOCC pero dahil nagkaroon na ng iringan ay ipinatigil na niya?
Hindi na dapat pang asahan ni Pangulong Marcos ang magandang pakikitungo o pagputol ng mga Duterte sa dating magandang pagtitinginan. Siguro, maibabalik kapag mas pinaboran niya si VP Sara kaysa sa mga nakapaligid sa kanya na masyadong malalim ang ambisyon na pumalit sa kanya sa 2028.
Magugunitang nagbitiw sa Gabinete ni President Marcos si Vice President Duterte kung saan unang sinabi niya na hindi na niya kaibigan ang pangulo at kaya lamang sila naging malapit dahil sa naging ka-tandem lamang niya ito noong nakaraang halalan.
Sino ngayon ang dapat madismaya?