MANILA, Philippines – Humingi ng tulong sa publiko si singer at “It’s Showtime” host Teddy Corpuz matapos umanong pasukin ng isang lalaki ang kanilang bahay sa Quezon City noong madaling araw ng Mayo 3.
Nagbahagi si Corpuz ng CCTV footage sa social media na nagpapakita umano sa suspek habang nasa loob ng kanilang bahay.
Ayon sa kanya, kabilang sa mga nanakaw ang isang iPad, charger, at ilang singsing.
Ibinunyag din ng bokalista ng Rocksteddy na na-enhance at na-colorize na ang CCTV footage upang mas malinaw na makilala ang suspek.
Nanawagan si Corpuz sa publiko na maging mapagmatyag at tumulong sa pagtukoy sa lalaking nakita sa video. RNT/MND