MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ng mahinahon, maayos, at maingat na hakbang ng pamahalaan upang maprotektahan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Ayon kay Cayetano, dapat isaalang-alang ng mga gumagawa ng polisiya sa bansa ang aktwal na kalagayan ng mga Pilipinong manggagawa at kanilang mga employer sa ibang bansa bago magpatupad ng anumang desisyon.
Suportado ng minority leader ang Proposed Senate Resolution No. 325 na kalaunan ay naging Senate Resolution No. 41. Layunin nitong hikayatin ang pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang para matiyak ang proteksyon ng OFWs at, kung kinakailangan, ang kanilang repatriation mula sa mga lugar na apektado ng lumalawak na sigalot.
Kasama rin sa resolusyon ang paghahanda ng mga hakbang upang mabawasan ang posibleng epekto nito sa ekonomiya ng Pilipinas.
Nilinaw ni Cayetano na hindi niya nilagdaan ang naunang bersyon ng resolusyon dahil sa pangamba na ang agarang panawagan ng malawakang repatriation ay maaaring magdulot ng pag-aalala sa mga employer at manggagawa at makaapekto sa umiiral na diplomatic at labor arrangements.
Bilang tugon, nagmungkahi siya ng amendment upang linawin na ang repatriation ay isasagawa lamang “in necessary situations.” Sa ganitong paraan, handa ang gobyerno na pauwiin ang mga Pilipino kung kinakailangan, ngunit nakabatay ang desisyon sa tunay na sitwasyon sa lugar.
Iminungkahi rin ni Cayetano na iayon ang wika ng resolusyon sa kasalukuyang alert level system ng Department of Foreign Affairs (DFA), upang pareho ang batayan ng Senado at ng mga embahada at konsulado sa pagtukoy ng security risks at pagtugon sa krisis.
Bilang dating Kalihim ng DFA mula 2017 hanggang 2018, iginiit ni Cayetano na dapat nakabatay ang mga hakbang sa pagsusuri ng mga diplomat at kawani ng gobyerno na nasa mismong lugar at direktang nakikipag-ugnayan sa OFWs, kanilang employer, at mga pamahalaan ng host country.
Inaprubahan ng Senado ang resolusyon kasunod ng tumitinding tensyon sa Middle East matapos ang serye ng military strikes at ganting aksyon na kinasasangkutan ng Iran at ilang bansa sa Gulf region. Tinatayang nasa 2.5 milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa rehiyong ito.
Binanggit ni Cayetano ang mahahalagang papel ng mga OFW sa Israel, Iran, Jordan, Lebanon, Syria, Bahrain, Kuwait, Oman, Qatar, Saudi Arabia, at United Arab Emirates, hindi lamang sa ekonomiya ng mga bansang kanilang pinagtatrabahuhan kundi pati sa pagsuporta sa kanilang pamilya sa Pilipinas sa pamamagitan ng remittances.
Binigyang diin din niya ang kahalagahan ng ganap na paggamit ng mga pondo para sa mga Pilipino sa abroad sa panahon ng krisis, kabilang ang Assistance to Nationals (ATN) Fund ng DFA at ang AKSYON Fund ng Department of Migrant Workers, na nakalaan para sa pagtulong sa mga OFWs na nasa alanganing sitwasyon.
Iginiit ni Cayetano ang whole-of-government approach sa pagtugon sa sitwasyon, kung saan mangunguna ang DFA sa pakikipag-ugnayan sa Department of Migrant Workers at iba pang ahensya sa pagmo-monitor ng mga pangyayari, pagtulong sa mga Pilipino sa ibang bansa, at paghahanda ng contingency plans kung kinakailangan.
Ayon pa sa kanya, ang pagprotekta sa OFWs ay nangangailangan ng malasakit at disiplina sa pagpapatupad ng mga polisiya. Dapat umanong nakabatay ang mga hakbang sa expert assessments habang isinasaalang-alang ang kabuhayan, dignidad, at katatagan ng mga Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat.
Dagdag pa niya, inaatasan din ng resolusyon ang mga ahensya ng gobyerno na maghanda ng mga hakbang upang maibsan ang posibleng epekto ng kaguluhan sa Middle East sa ekonomiya ng Pilipinas, lalo na sa usapin ng labor deployment at remittances. Ernie Reyes