KUNG hindi ka maiiyak, matatawa ka na lang basta ukol sa nagaganap na kontrobersya sa Charter change na isinusulong ng Kongreso, partikular ang Kamara.
Akalain mo bang lumabas sa Pulse Asia survey na 88 porsyento ang ayaw sa Cha-cha sa anomang anyo nito at 75% ang ayaw sa Cha-cha ngayon o sa anomang susunod na panahon.
Kabaligtaran ito sa sinasabi ng mga kongresman na parami nang parami ang may gusto sa Cha-cha kaya naman ang natapos na nilang resolusyon para rito, ang Resolution of Both Houses (RBH) 7, ay ipinasakamay na nila sa Commission on Elections para maaksyunan patungo sa plebisito.
Hinihintay na lang umano nila ang RBH 6 na nasa kamay ng Senado na nagsasabi namang hindi sila nagmamadaling ipasa ito dahil dapat pag-aralan ito nang husto.
Medyo pareho ang Kamara at Senado na ang lalamnin o nilalaman ng kanilang mga resolusyon ay pang-ekonomiya gaya ng pagmamay-ari ng mga dayuhan sa mga eskwela, media at likas na yaman ng bansa.
Isang nakatatawa ang pagmamadali ng Kamara o ng mga kongresman na isalang na ang nais nilang pagbabago sa plebisito at itinutulak nila ang Senado pabilisin ang aksyon nito at sumabay sa kanila.
Gusto nilang bago dumating ang Oktubre na simula ng halalang 2025 ay tapos na ang plebisito.
Pero dinededma naman ng mga senador ang mga kongresman at kung aaksyon man sila para sa plebisito, isasabay ito sa halalan sa Mayo 2025 at hindi sa mga buwang ito bago mag-Oktubre.
O ‘di ba nakatatawa ang tulakan at dedmahan ng mga kongresman at senador”
Merong hindi nalalaman ang publiko, may malalalim na sikret, kung bakit nagkakaganito sila.
At maaaring maiiyak ka kung malalaman mo ang mga ito?
Dahil sila-sila lang na malalaking politiko, marami ang magkakamag-anak, at mga dayuhan at hindi ang mga karaniwan at pobreng Pinoy ang makikinabang?
BALAT SA TINALUPAN PINAGHALO
Kung paano nagrereklamo ang mga kongresman sa pagbabagal-bagalan ng mga senador at gayundin na inirereklamo ng mga senador ang sobrang pagmamadali ng mga kongresman para sa Cha-cha, may reklamo rin ukol sa resulta ng sarbey ng Pulse Asya.
Sabi ng mga kongresman, dapat nakatali lang sa mga isyung pang-ekonomiya na isinusulong nila ang mga tanong sa sarbey.
Ang siste, hinaluan ng mga tanong na pulitikal gaya ng posibleng pagpapalit ng anyo ng gobyerno mula sa presidensyal patungo sa unicameral na sistema.
Naririyan pa ang term extension o pagpapalawig ng pag-upo ng mga politiko o unli na pag-upo basta iboboto sila ng mga mamamayan.
Maghahalo talaga ang balat sa tinalupan niyan.
Pero paniniwala naman ng iba, sino ang makapipigil sa mga kongresman at senador na isama na rin ang usaping pulitikal sa amyenda o ganap na pagretoke o pagdoktor sa Konstitusyong 1987?
Lalo’t sila-sila lang ang mag-amyenda, magretoke o magdoktor sa Konstitusyon sa bisa ng Constituent Assembly.
Kapag daanin sana sa Constitutional Convention o Con-con ang pagbabago, baka sakaling walang halong milagro ang anomang babaguhin.
Ito’y dahil mahahalal ang mga delegado sa Con-con mula sa hanay ng taumbayan bagama’t may mahahalo ring mga politiko.
Eh, alam naman ng lahat na magkakasabwat o magkakamag-anak ang marami o karamihan sa mga kongresman at senador at kung Constituent Assembly ang gamit sa pagbabago na sila-silang mga kongresman at senador ang magsasagawa nito, ano ang maaasahang makabuluhang pagbabago ang taumbayan?
Malamang na iiyak at hindi ka matutuwa sa kalalabasan ng pagbabago sa Constituent Assembly.