Home OPINION DISGRASYA KAPAREHO NG TERORISTA

DISGRASYA KAPAREHO NG TERORISTA

DAPAT mag-ingat ang lahat sa disgrasya at terorismo sa mga panahong ito na marami ang pagtitipon-tipon sa iba’t ibang lugar at bumibiyahe nang maramihan patungo rin dahil sa bakasyong dulot ng tag-init o summer.

Mag-ingat tayo dahil parehong pumapatay nang maramihan ang mga ito.

Tingnan na lang ninyo ang disgrasya noong Lunes Santo sa Antipas, Cotabato.

Nasa 17 ang namatay nang magliyab ang sinakyan nilang van makaraang mabangga ng isang truck na kargado ng gravel and sand.

Ang tatlong nakaligtas, grabe ang tinamong sugat mula sa sunog.

Maalaala rin ninyo tiyak ang terorismo sa Russia na ikinamatay ng 137 katao at ikinasugat ng mahigit 100.

Habang namatay ang marami sa tama ng bala ng mga baril na ginamit ng mga terorista, may mga namatay rin sa sunog, usok ng sunog at stampede.

Ganyang katitindi ang mga disgrasya at terorismo.

Ang totoo, hindi basta malalaman kung kailan aatake ang disgrasya at terorismo.

Subalit, malaki ang maitutulong ng pagiging mapagmatyag nating lahat.

Halimbawa, may karapatan ang mga pasahero na sumita sa mga depekto ng mga sasakyan at tsuper.

May nakaaamoy naman sa gawain ng mga terorista at dapat mabilis siyang kumilos laban sa mga ito o ipasa agad sa mga awtoridad ang laban sa mga ito.

Napakaraming paraan ang mga mamamayan o awtoridad para sa mabilis na aksyon lalo na ngayong naglipana ang mga gadget para sa mabilis na komunikasyon.

Tatandaan, kapag nagsama-sama ang mga mamamayan at awtoridad laban sa mga disgrasya at terorismo, kapangyarihan ‘yan na hindi kayang gibain ng kahit anong masamang pangyayari o gawa.

Pinakamaganda na mapigilan ang mga disgrasya at terorismo hangga’t maaari.

Pero kapag nangyari na ang mga ito, magtulong-tulong din ang lahat para sa kapanan ng mga biktima at pagpapanagot sa mga dapat managot, katulad ng mabilis na panghuhuli sa mga terorista sa Russia.