Home OPINION MENSAHE SA PAGKABUHAY NI KRISTO

MENSAHE SA PAGKABUHAY NI KRISTO

HAPPY Easter!

Ang pag-bati ng lahat na ating makasalubong sa linggong ito, dahil tayo lamang ang natatanging Kristiyano sa rehiyong ito ng Asya ang siyang tumatangkilik kay Kristo bilang Anak ng Diyos, na nagkatawang tao, namatay, at inilibing, ngunit nabuhay na muli.

Ito ang naging pundasyon ng ating paniniwala, na kapag tayo ay sumampalataya kay Kristo, sa ating pagkamatay ay may muli ring pagkabuhay gaya nang ipinamalas ng pinagdaanan ng buhay ng ating Panginoon Hesukristo.

Hanggang diyan na lamang muna ako, at ayaw ko namang magmukhang pari para magbigay ng sermon sa inyo.

Ang akin ay napapanahong kahulugan ng mensahe sa pagkabuhay na muli ng ating Panginoon.

Dahil sa panahon ngayon, tayo’y tila nasa krus na daan, at ‘di malaman kung ano ang dapat tahakin sa nakaharap sa ating sanga-sangang daraanan.

Hinahanap ang kapayapaan at kaunlaran bilang isang bayan ng Diyos. Ito ang nagsisilbing pundasyon at pangarap, na dapat ay sama-sama nating hinaharap at tinatahak.

Ngunit mayroon ding hindi nakikiisa, may mga tila humahadlang at iba ang paniniwalang sinusulong. Kaya karamihan sa atin ay puspusan pa ring tinutulak ang pangarap at pundasyong ito, na may kasamang pag-asa, na sana ang ibang naguguluhan ay makita ang tamang daan.

Sabi nga ng aking kaibigan na si Usec. Ernesto Torres Jr. na Executive Director ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, masarap isipin na tayong lahat ay namumuhay na mapayapa, walang gulo o nanggugulo, walang sumasalungat sa isinusulong na pangarap at pundasyon.

Kay sarap nga namang isipin at pagmasdan na lumalaki ang ating mga anak nang walang takot o kinatatakutan, kung saan ang bawat pamilya ay namumuhay sa isang komunidad na punumpuno ng oportunidad para sa lahat.

Ito raw, ayon kay Torres, ay malapit na nating makamit, ngunit nangangailangan ng pakikiisa ng lahat. Kung ito ay ating magagawa, maari nating ipagsigawan sa buong mundo, kaysarap mamuhay sa lugar na payapa at may kaunlaran.

Kung magsasama-sama tayo sa pagkilos tungo sa kapayapaan, maisusulat natin sa kasaysayan na tayo’y nag-iwan ng pamana na ang kapayapaan ay tungo sa kaunlaran para sa mga darating pang henereasyon.

Makibahagi tayo sa pangarap na ito at maipakita sa buong mundo na ang mga Filipino ay nagkakaisa sa pangarap at espiritu ng Diyos, na ang kapayapaan ay daan sa kaunlaran.

Mabuhay ang Bagong Pilipinas!

Previous articleMASS TRANSPORT, TOLLWAYS AT TRANSPORT SECTOR
Next articleDISGRASYA KAPAREHO NG TERORISTA