MANILA, Philippines – Handa ang mga abogado ng mga biktima ng drug war na harangin ang anumang pagtatangka ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na makakuha ng pansamantalang paglaya mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Atty. Gilbert Andres, magsusumite sila ng kanilang opinyon sa korte upang tutulan ito, habang sinabi ni Atty. Kristina Conti na posibleng maging banta si Duterte at hindi ito makabubuti sa interes ng mga biktima.
Kinumpirma naman ni Nicholas Kaufman, abogado ni Duterte sa ICC, na maghahain sila ng petisyon para sa pansamantalang paglaya at magtatrabaho na ang isang pansamantalang legal defense team sa susunod na linggo.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si Duterte matapos ang kanyang pag-aresto noong Marso 11.
Una siyang humarap sa korte noong Marso 14, at itinakda ang pagdinig para sa kumpirmasyon ng kanyang mga kaso sa Setyembre 23. RNT