Home NATIONWIDE Balikatan drills magpapatuloy sa kabila ng presensya ng Chinese navy – PCG

Balikatan drills magpapatuloy sa kabila ng presensya ng Chinese navy – PCG

MANILA, Philippines – Minaliit ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Lunes, Abril 29 ang presensya ng Chinese navy ship sa West Philippine Sea sa panahon ng Balikatan maritime drills at tinawag na diskarte lamang ito ng China upang ipadama ang kanilang presensya sa lugar.

Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay tarriela, nagpapapansin lamang umano ang China.

“Sabihin nila na nandyan sila sa area, but definitely hindi naman natin ihihinto ito dahil nandyan sila,” giit ni Tarriela.

Sinabi pa ni Tarriela na ang PCG at kanilang allies ay patuloy na hindi papansinin ang presensya ng Chinese navy ship.

Giit ng opisyal, hindi nito mapipigilan ang Balikatan exercise at kanilang kaalyado na gawin ang ganitong pagsasanay na kasama ang Pilipinas.

Nitong Linggo, sinabi ni Armed Forces of the Philippines Western spokepsrson Captain Ariel Coloma na naispatan ang Chinese navy ship sa layong pito hanggang walong milya mula sa mga barko ng US at Pilipinas na nagsasagawa ng Balikatan exercise malapit sa northern Palawan.

Gayunman, hindi ito ang unang pagkakataon na naispatan ang Chinese vessel habang nagsasagawa ng maritime exercise ang Pilipinas.

Sinabi ni Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Commodore Roy Vincent Trinidad na ang mga barko ng People’s Liberation Army Navy ay lumilitaw na namonitor ang maritime cooperative activity sa pagitan ng Manila at Washington noong Pebrero 13. Jocelyn Tabangcura-Domenden