Home NATIONWIDE Balikatan Exercise 2024 nagtapos na

Balikatan Exercise 2024 nagtapos na

MANILA, Philippines – Opisyal nang nagtapos ang Balikatan o annual joint military exercise sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos ngayong taon.

Sa closing ceremony nitong Biyernes, Mayo 10, idineklara ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Romeo Brawner Jr. ang pagtatapos ng ika-39 taon ng exercise, na nagsimula noong Abril 22.

Nagpadala ang AFP ng 5,000 tauhan na pawang mga mula sa Northern Luzon Command (NOLCOM) at Western Command (WESCOM), para lumahok sa Balikatan activities.

Mula sa US, nasa 11,000 tauhan ang lumahok kabilang ang 3,700 US Marines, 1,200 sundalo, 4,000 US Navy personnel, 400 airmen at Air National Guardsmen, maging ang 750 US Special Operations forces.

Nagpadala din ang Australian Defense Force ng nasa 150 tauhan.

Kabilang sa highlight ng exercise ay ang kauna-unahang multilateral maritime exercise (MME) sa West Philippine Sea kasama ang mga tropa mula sa Pilipinas, Estados Unidos at France.

Ang mga kalahok na warship ay ang Philippine Navy – BRP Ramon Alcaraz, isang offshore patrol vessel at BRP Davao del Sur, ang landing platform dock; Marine Nationale (French Navy) frigate FS Vendémiaire; at US Navy amphibious warfare ship USS Harpers Ferry.

Nagsagawa rin ang mga partisipantes ng Balikatan ng maritime strike exercise target ang mock enemy ship sa dalampasigan ng Ilocos Norte.

Inatake rin ng Fast Attack Interdiction Crafts, BRP Jose Rizal (FF150), at iba pang naval at aerial assets ang target ship na BRP Lake Caliraya, isang decommissioned vessel.

Nagkaroon din ng live fire exercises sa sand dunes at coastline ng Ilocos Norte.

Kasama rin sa exercise ang iba pang ahensya ng pamahalaan katulad ng Philippine Coast Guard, Philippine National Police, Department of Information, Communications, and Technology, Office of Civil Defense, at Presidential Communications Office. RNT/JGC