MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Bam Aquino nitong Biyernes na magsasagawa ng imbestigasyon ang Senate Committee on Basic Education hinggil sa implementasyon ng P67-bilyong programa para sa pagpapatayo ng 25,000 classrooms sa ilalim ng 2026 national budget.
Sa isang panayam matapos ang kanyang pagbisita sa dalawang paaralan sa Montalban, Rizal, sinabi ni Aquino, na tumatayong chairperson ng omite, na layunin ng pagdinig na nakatakda sa Hulyo 23 (Huwebes) alas-10 ng umaga na alamin ang estado ng implementasyon ng programa sa pagpapatayo ng mga silid-aralan.
“Hearing tungkol po sa Classroom Acceleration Program para malaman natin saan na ba napunta iyong P67 billion pesos na nakalaan para sa mga classroom. Makita natin na mahabol pa ito sa taong ito,” wika ni Aquino.
“Seven months na po, rainy season na, pero nais po natin makita na iyong pondong ito magamit pa rin para sa classrooms para sa mga kabataan. Kitang-kita naman na kailangan na kailangan na siya,” dagdag pa niya.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education, tumulong si Aquino na maisama sa 2026 national budget ang P67-bilyong pondo para sa pagpapatayo ng 25,000 silid-aralan upang makatulong na matugunan ang kakulangan ng bansa na 166,000 classrooms.
Sa kanyang pagbisita, sinuri ni Aquino ang dalawang condemned na gusali sa Kasiglahan Village National High School at Kasiglahan Elementary School na idineklarang hindi ligtas gamitin dahil sa mga depektong istruktural, kabilang ang malalalim na bitak sa mga silid-aralan at pasilyo.
Ayon kay Aquino, ang dalawang gusali, na kapwa natapos noong 2013 ngunit idineklarang hindi na ligtas gamitin noong 2019 at 2023, ayon sa pagkakasunod, ay saklaw pa rin ng kanilang 15-taong structural warranty.
“Hahanapin naming iyong nagbuo niyan. Wala ka pang anim na taon, hindi mo na magagamit. Hindi naman puwede iyon. Holdap iyon. Parang naholdap tayo doon,” ani Aquino.
“Kung sino man iyan, sana makonsensiya sila na ayusin nila,” dugtong pa niya.
Ipinaalam din ng mga opisyal ng paaralan kay Aquino ang pangangailangan ng karagdagang mga silid-aralan, dahil nahihirapan sila na matugunan ang patuloy na pagdami ng mga mag-aaral, kabilang ang mga pamilyang inilipat sa Montalban mula sa mga karatig-lugar.
Dahil sa kakulangan ng mga silid-aralan, nagpapatupad ang parehong paaralan ng double shift sa mga klase upang ma-accommodate ang mahigit 13,000 nilang mga mag-aaral. Ernie Reyes