Home NATIONWIDE Bamban Mayor nanindigang ‘di bababa sa pwesto

Bamban Mayor nanindigang ‘di bababa sa pwesto

MANILA, Philippines- Iginiit ni Bamban Mayor Alice Guo  na hindi siya magbibitiw sa pwesto sa gitna ng ilang alegasyon laban sa kanya, kabilang ang umano’y pagiging “asset” ng China.

Itinanggi ni Guo ang mga akusasyon na posibleng isa siyang Chinese asset na sinanay upang pasukin at impluwensyahan ang pamahalaan ng Pilipinas, at iginiit na siya ay Pilipino.

“Hindi po, hindi ako magre-resign. I will continue serving my constituents,” wika ni Guo sa isang panayam.

Nangako rin ang alkalde na muling tatakbo sa susunod na eleksyon.

Gayundin, nanawagan siya sa mga Pilipinong politiko, na hindi niya pinangalanan, na huwag siyang idamay sa kanilang sigalot.

Nagsimula ang kontrobersiya nang madawit si Guo sa dalawang Philippine Offshore Gaming Operators (Pogos) sa bayan ng Bamban sa Tarlac: Hongsheng Gaming Technology Incorporated at Zun Yuan Technology Incorporated.

Sinalakay ang Hongsheng noong February 2023 at pinalitan ng Zun Yuan sa eksaktong lokasyon. Muli itong ni-raid noong March 2024 para sa kasong umano’y human trafficking at serious illegal detention.

Isiniwalat ni Senator Win Gatchalian ang umano’y kaugnayan ni Guo sa offshore gaming firms. Sa pagdinig sa Senado, binanggit ni Gatchalian ang billing statement ng Zun Yuan at sasakyang nasabat sa raid, na nkarehistro sa ilalim ng pangalan ni Guo.

Subalit, iginiit ni Guo na tutol na siya sa Pogos.

“Now, I’m against it; as long as I am the mayor, I will no longer allow any Pogo operation in my town,” wika niya.

Aniya, pinayagan lamang ang mga Pogo sa Bamban dahil sa pangako ng mga itong bibigyan ng trabaho ang mga lokal.

“I said that as long as there is [a] license from Pagcor, if there’s no Pagcor license, never again,” pahayag ni Guo.

“I’m not that powerful. I’m a simple citizen in a second-class municipality. I don’t have that much connection,” dagdag niya.

Nitong Sabado, inirekomenda ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang preventive suspension ni Guo mataps madiskubre ng task force nito ang “troubling findings of serious illegal acts [that] may have severe legal implications.”

Base sa DILG, nilalayon ng rekomendasyon nito “to prevent any influence on the continuing investigations of our and other agencies.”

Anang DILG, naisumite na ng task force ang findings sa Office of the Ombudsman. RNT/SA