Home NATIONWIDE Unang 20 ACMs para sa 2025 polls tinesting ng Comelec

Unang 20 ACMs para sa 2025 polls tinesting ng Comelec

MANILA, Philippines- Pasado ang unang 20 automated counting machines (ACMs) para sa 2025 elections sa hardware acceptance test (HAT), ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes.

Inihayag ng  poll body na sumailalim ang ACMs na dinala ng joint venture sa pangunguna ng South Korean company Miru Systems, sa pagsusuri sa warehouse sa Sta. Rosa, Laguna.

“The diagnostic test results show that all ACM parts, such as the sensor, touchscreen, scanner, printer, camera, USB ports, LED, external keypad, etc. passed the appropriate criteria for each component during the HAT,” anang Comelec.

Kasama sa HAT ang pagbukas ng mga kahon, pagpapagana sa ACM unit, at pagpapatakbo ng iba’t ibang diagnostics upang matiyak na gumagana nang maayos kada component nito alinsunod sa specifications at customizations na itinakda ng Comelec.

Tatlo sa 20 ACM units ang isasailalim sa test configuration upang matiyak ang functionality sa end-to-end demonstration sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) ng Martes, anito.

Mahigit 100,000 ACMs ang gagawin ng bagong technology service provider sa South Korea para sa midterm polls sa susunod na taon. RNT/SA