Home OPINION BANGGAN NG EROPLANO SA NAIA, NEAR MISS O AKSIDENTE?

BANGGAN NG EROPLANO SA NAIA, NEAR MISS O AKSIDENTE?

1
0

ANG pagkakahagip ng pakpak ng Saudia Boeing 787 sa rudder ng nakaparadang Philippine Airlines Airbus A320 sa Ninoy Aquino International Airport ay hindi simpleng usapin. Ito ay isang aktwal na ground collision na nagdulot ng pinsala sa dalawang sasakyang panghimpapawid.

Mabuti na lamang at walang nasaktan pero hindi nangangahulugang ipagkikibit-balikat ito ng aviation authorities. Para sa kanila, isa itong mabigat na insidente na kailangang masinsinang imbestigahan at matunton ang mga root cause.

Hindi rin ito maituturing na ‘near miss’ taliwas sa perception ng iba. Sa larangan ng aviation at maging sa Occupational Safety and Health, isa itong maituturing na aksidente dahil malinaw na nagdulot ito ng significant property damage kumpara sa definition ng near miss event na wala namang injury o anomang losses.

Kailangang klarong masagot sa publiko ang katanungang, paano ito nangyari? Aba syempre naman, baka isa sa atin ang posibleng sumakay sa mga eroplanong ito sa mga susunod na pagkakataon.

Kailangang maging maingat ang aviation authorities sa pagsasagawa ng incident/accident investigation, paglalatag ng komprehensibong CAPA (corrective and preventive action) at iba pang karagdagang aviation safety program upang masigurong hindi na mauulit ang insidente. Kapag may matatag na reputasyon, maging kumpiyansa ang lahat lalo na ang mga mananakay.

Sa modernong aviation o kahit sa general OSH principles, bihirang iisang pagkakamali lamang ang sanhi ng aksidente. Madalas itong bunga ng sunod-sunod na failure sa mga safety barrier na ipinakikita ng safety framework na “Swiss Cheese Model.” Hindi mawawala ang mga posibilidad tulad ng pilot error, maling pagtantiya sa wingtip clearance o hindi pagsunod sa taxi instructions, communication error sa pagitan ng flight crew at Air Traffic Control o ATC, kakulangan sa marshalling, airport ground control, signage, markings, o iba pang control measures sa airside operations. Habang hinihintay ang opisyal na resulta ng imbestigasyon ng CAAP (Civil Aviation Authority of the Philippines), hindi dapat agad ituro ang sisi sa sinoman maging sa piloto dahil hindi naman ito ang main objective ng investigation. Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga ng masusing imbestigasyon sa Safety Management System.

Ang tunay na sukatan ng isang world-class airport ay hindi lamang ang dami ng eroplano nitong napaglilingkuran, kundi ang kakayahan nitong pigilan ang mga pangyayaring tulad nito. Ang banggaang naganap sa NAIA ay dapat magsilbing babala na nagkabutas ang current aviation safety protocols.

Ang pahabol nating tanong sa lahat ng mga paliparan at aviation authorities, ilan na nga ba at ano na ang nangyari sa CAPA ng mga previous near miss at accident report mula noong Enero 2024 hanggang sa kasalukuyan?

∞∞∞

Para sa inyong komento o reaksyon, mag-email lamang sa .

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here