MANILA, Philippines- Posibleng ang bansa na tatanggap kay dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang paglaya, sakaling payagan, ay katabi lamang ng The Hague, ayon sa isang accredited lawyer ng International Criminal Court (ICC) nitong Linggo.
“Ang aking suspicion, ‘yung mga country na karatig lang, adjacent or shares a border with The Netherlands ‘yung pwedeng mag-agree [na i-host si Duterte],” pahayag ni Joel Ruiz Butuyan sa isang panayam.
“Kailangan member-country [ng ICC] ang mag-a-agree na magho-host sa kanya (Duterte). Kailangan sumunod sa mga utos ng ICC,” dagdag niya.
Inihayag ito ni Butuyan matapos hilingin ng kampo ni Duterte sa ICC na palayain siya sa isang bansa na hindi tinukoy, na ayon sa kanyang abogadong si Nicholas Kaufman, ay pumayag na tanggapin ang dating presidente.
Nilagdaan ni Kaufman, nakasaad din sa request na kinumpirma ng prosekusyon ang ang hindi pagtutol sa interim release ng dating presidente sa bansa, na hindi pa pinapangalanan, “on the understanding that the terms and conditions set out in Annex A to this filing would be met.”
Nahaharap si Duterte sa crimes against humanity charges sa ICC kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng kanyang war on drugs noong siya ay alkalde pa ng Davao City at presidente pa ng Pilipinas.
“Ang lumalabas, the prosecutors will agree only if the conditions they specified are met. Hindi pa sila nag-a-agree,” ani Butuyan.
Kabilang umano sa mga kondisyon ay hindi makikipag-usap si Duterte sa sinumang hindi niya kapamilya at hindi gagamit ng internet o mobile phone. RNT/SA